POGOs DAPAT IPASARA — SOLON

Franklin Drilon

DAPAT ipatigil ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa dahil ito ang ginagawang tulay upang maipasok ang milyon-milyong dolyares ng ilang Chinese nationals na pinaniniwalaang nasa likod ng isang malaking sindikato, ayon kay Minority Floor Leader at Senador Franklin Drilon.

Sa isinagawang pagdinig sa Senado noong nakaraang linggo, napag-alaman na ginagamit umano ng mga dayuhang Chinese ang mga gaming platform at casino upang maipasok ang hindi nai­deklarang halaga ng pera ng mga ito na paglabag sa RA 10365 o ang Anti-Money Laundering Act as amended.

“Ang presumption ng Anti-Money Laundering Act lalo na pagdating sa casinos ay gagamitin ang casino sa mga money laundering scheme kaya sakop ang casinos at may obligation silang i-report kung saan nanggaling ang pera,” pahayag ni Drilon sa isang panayam sa radyo.

Batay sa record ng Bureau of Customs (BOC), nasa $160 milyon ang naipasok sa bansa ng mga Chinese national mula noong December 2019 hanggang February 2020 kung saan $5 million umano ang dinadala bawat isang Chinese na maituturing na ilegal dahil alinsunod sa ating batas, pinapayagan lamang magdala ang isang dayuhan ng hindi hihigit sa $10,000 pagpasok nito sa bansa.

Mas malaki rin, aniya, ang problemang idinudulot nito sa bansa kagaya ng mga hindi dokumentadong POGO workers na naging ugat ng korupsiyon sa BI kamakailan kaysa sa kinikita ng gobyerno dito.

“’Yung POGO sa aking tingin ay walang malaking contribution sa ating ekonomiya at hindi nakadaragdag ng trabaho dahil puro naman Chinese nationals,” ani Drilon. NORMAN LAURIO

Comments are closed.