TILA desidido ang House of Representatives na imbestigahan ang Philippine Offshore Gaming Operators o POGOs dahil sa umano’y hindi wastong pagbabayad ng buwis sa ating pamahalaan. Umaabot daw sa mahigit P50 billion. Aba! Hindi barya-barya ang pinag-uusapan natin dito.
Matatandaan na hindi tinantanan noon ng ating gobyerno ang pagkakautang ng dating Mighty Corporation na mahigit na P30 billion. Dahil din ito sa pag-iwas ng kompanya na magbayad ng wastong buwis. Nagkakahalaga ang utang ng Mighty Corporation noon ng P37.88 billion.
Ang magandang balita naman ay binili ang Mighty Corporation ng Japan Tobacco Inc. sa halagang P46.8 billion upang mapasakanila ang tumatayong ikalawang pinakamalaking kompanya ng sigarilyo sa bansa. Dahil dito, nabayaran nang tama ang ating pamahalaan. Nakatulong ang nasabing settlement na mahigit na P30 billion para sa kanilang programang ‘Build Build Build’. Ang kapalit nito ay inalis ang mga kasong isinampa laban sa Mighty Corporation ng BIR. Sa madaling salita, maganda ang naging resulta sa problemang ito.
Subalit mabalik tayo sa isyu laban sa POGOs. Bago magtapos ang 2019, ang BIR ay nagbigay ng babala na paiimbestigahan nila ang ilang gaming operators o POGOs dahil sa pag-iwas sa pagbabayad ng tamang buwis. Sa katunayan, noong nakaraang Setyembre nang simulan nila ang imbestigasyon, may ipinasara silang tatlong malalaking POGO service providers at nakakolekta sila ng halos P1.2 billion sa corporate taxes bago pinayagang muling mag-operate ang mga ito. Bukod diyan, umabot din ng P1.63 billion ang nakolekta pa ng BIR sa pamamagitan ng withholding tax sa mga POGO service provider na hindi nila na-remit noong buwan pa ng Agosto. Mas malaki raw ito nang kanilang ikumpara noong 2018 na nagkahalaga lamang ng P579 million at P175 million noong 2017.
Ang malaking isyu rin na nais imbestigahan ng Kamara ay ang umano’y pagdami ng mga dayuhang Tsino na nagtatrabaho sa ating bansa bilang empleyado ng mga POGO service provider. Hindi naniniwala ang ilan sa ating mga mambabatas na may 100,000 na mga dayuhang Tsino na nagtatrabaho rito. Batay sa kanilang pagtaya at impormasyon, halos 800,000 ang nandito na hindi rin nagbabayad ng tamang withholding tax. Paano kaya ito nakalusot sa Bureau of Immigration? Legal naman kaya ang papeles ng mga ito?
Ipatatawag daw ng House committee on games ang amusements ang mga opsiyal ng BIR at Pagcor upang malaman kung totoo ang mga napapabalitang ito laban sa POGO service providers na nakakatakas sa pagbabayad ng tamang buwis sa ating gobyerno na maaring umaabot ng P50 billion.
Napag-alaman din ng Kamara na ang mga may lisensiyang POGO ay hindi rin nagbabayad ng franchise tax bukod pa sa income tax ng kanilang mga dayuhang manggagawa. Kaya naman aabot daw sa halos P18 billion ang nawala sa franchise tax at mahigit na P30 billion sa withholding tax. Ang Pagcor, ayon sa BIR, ay nakakolekta lamang ng P8 billion sa regulatory fee o dalawang por-siyento sa kabuuan ng kinita ng mga service provider ng POGO.
Sa totoo lamang, ako ay tutol sa POGOs. Bisyo po ang sugal. Kung makatutulong ang mga ito upang tumaas ang koleksiyon ng buwis para mapaganda ang serbisyo ng gobyerno sa ating mamamayan, maaari ko pa itong matanggap. Mahigpit na regulasyon laban sa POGOs ang kasagutan diyan. Subalit kung may katotohanan ang nais imbestigahan ng Kamara na dinadaya tayo ng ma-higit sa P50 billion…aba’y paalisin na ‘yang mga lintek na ‘yan!
Comments are closed.