POGO’S TOTAL BAN SA METRO

Erick Balane Finance Insider

APEKTADO ang tax collections ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa sandaling tularan ng iba pang alkalde sa Metro Manila ang naging kapasyahan ni Makati City Mayor Abigail Binay na nagdeklara ng ‘indefinite moratorium’ sa pag-iisyu ng business licenses and permits sa mga service providers ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) dahil sa lumalalang criminal at prostitution activities sa kanyang nasasakupan.

Tila kumbinsido rin ang mga alkalde sa Metro Manila na pigilan ang pagdami ng off-shore gaming na siyang sinasabing ugat ng pagdagsa sa bansa ng mga undocumented Chinese national na nagsisiksikan sa mga condo unit, sangkot sa kidnapping at lulong sa sugal o casino.

Naka-programa na sa BIR ang posibilidad na isama nila sa susunod na taxable year ang nakokolektang buwis mula sa POGO sa iniatang sa kanilang tax collection goal bilang panapat o karagdagan sa sandaling muling lumasap ng shortfall sa koleksiyon ng buwis ang Kawanihan ng Rentas Internas.

Halos lahat ng mga POGO service providers sa Makati City ay binigyan ng lisensiya ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) at rehistrado rin sa Business Permit and Licensing Office ng siyudad na nakokolektahan nila ng hanggang P200 mil­yon kada-taon bilang local business tax.

Pero kamakailan ay biglang nagdeklara si Mayor Binay ng pag-iisyu ng ‘Letter of No Objection’ at agad ipinatigil ang pagtanggap ng new applications for business permits laban sa mga POGO service provider.

Ang dahilan, ayon sa alkalde ng Makati, lumalala ang sitwas­yon ukol sa kriminalidad, prostitutions, kidnapping, pagpapakamatay ng mga natatalo o nalululong sa sugal.

Sinabi ng source na plano rin ng mga mayor sa iba pang siyudad sa Metro Manila na gayahin ang deklarasyon ni Mayor Binay upang mapanatili ang katahimikan.

Una nang nagmatigas si Solicitor-Gene­ral Jose Calida na mali ang BIR nang patawan nito ng  buwis ang lumalagong industriya ng POGO.

Nguni’t sa kabila ng mariing pagtutol ni Secretary Calida, patuloy namang ipinasasara ni BIR Deputy Commissioner for Ope­rations Arnel Guballa sa utos ni Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez ang mga online gambling na tumatangging magbayad ng kaukulang buwis mula sa iba’t ibang dako ng bansa gaya ng sa Quezon City, Pa­rañaque City, Pam­panga City at iba pa dahil sa hindi pagsunod sa tax collection compliance ng mga Chinese at foreign operators and workers.

Sinabi ni Calida na nakapaloob aniya sa inamyendahang National Internal Revenue Code noong 1997 sa ilalim ng ‘source of income principle’ na hindi maaaring patawan ng buwis ang POGO.

Ang pahayag ni Secretary Calida ay inayunan din ni former BIR Regional Director Ace Mar-tinez na isa sa legal consultant ng mga POGO operator.

Mahigpit na ipinagbabawal sa bansang China ang POGO dahil sa ito’y isang uri ng sugal. Hiniling din ng Pangulo ng China sa mga kaanib ng Association of South-East Asian Nations na ipagbawal ang operasyon ng ganitong uri ng sugal dahil ito ay ugat ng pagtaas ng kriminalidad at pagkagumon sa sugal ng sinumang mga manlalaro.

Bagama’t hindi kabilang sa iniatang na tax collection goal ng BIR ang nakoko­lekta sa POGO, sa susunod na taxable year ay plano na nila itong isama sa annual tax collection goal upang lalong mapataas ang koleksiyon sa buwis, bagay na tinututulan ng  BIR regional directors at mga re­venue district officers sa kadahilanang hindi nila makakayanang kumolekta ng sobrang buwis sa itinakdang tax goal.

Sa kanyang report kay Secretary Dominguez, sinabi ni DepCom Guballa na nakakolekta ang BIR ng preliminary income collections mula sa foreign wor­kers ng (POGO) ng halagang P1.4 bilyon mula lamang sa buwan ng Agosto ng taong ito. Tumaas pa ito ng P230 million kaya umabot sa P1.63 bilyon.

Una nang sinalakay ng awtoridad ng BIR ang mga ga­ming POGOs sa area ng ­Quezon City, Pa­rañaque at Pasay, maging sa San Fernando, Pampanga sa pamumuno nina QC-A Regional Director Albin Galanza, Makati City-B Regional Director Glen Geraldino, assistant nitong si  Director Bobby Mailig; San Fernando, Pampanga Regional Director Ed Tolentino at Paranaque BIR Revenue District Officer Jun Mangubat dahil sa hindi pagbabayad ng buwis.

Sinabi ni DepCom Guballa na naka-mo­nitor na sa BIR ang mahigit sa 218 POGO service provider sa bansa na may bilang na mahigit sa 108,914 o maaaring umabot pa sa bilang na dalawang milyong foreign employees, karamihan ay pawang mga Chinese national.

Una nang sinabi ni Secretary Dominguez na kayang patawan ng P2 bilyong buwis ng BIR ang mga Chinese workers ng POGO kada-buwan o 24 bilyon kada-taon bilang ka­ragdagang taxes.

Kung nakakolekta  ng P2 bilyon ang BIR para lamang sa buwan nitong nakalipas na July, mangangahulugan ito ng P12 bilyon hanggang buwan ng Disyembre at aabot sa P36 bilyon hanggang sa susunod na taong 2020, paliwanag ni Secretary Sonny.

oOo

Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa  09293652344/ 09266481092 o email: [email protected]