POGOY BUENA MANO SA PBAPC BUBBLE PLAYER OF THE WEEK

Rr Pogoy

CLARK, Pampanga – Karamihan sa mga player sa PBA 45th season restart ay nangalawang mula sa seven-month break, subalit hindi si TNT Tropang Giga gunner RR Pogoy.

Ang 6-foot-2 guard ay nag-init sa loob ng bubble, at nagpamalas ng career-best performance upang pangunahan ang wala pang talong TNT sa ibabaw ng standing sa opening week ng 2020 Philippine Cup.

Nagpasabog si Pogoy ng bagong career-high 45 points, tampok ang 10 three pointers sa 100-95 panalo ng TNT kontra Alaska sa opener.

Nakalikom siya ng 11 points, 9 rebounds, at 2 steals nang gapiin ng Tropang Giga ang Terrafirma, 112-101, bago nag-tamo ng  sprain ankle injury sa 15-point, four-rebound performance sa 107-88 pagdurog sa reigning champion San Miguel.

Ang mga numerong ito ang naghatid sa 28-year-old guard mula sa Minglanilla, Cebu sa pagiging kauna-unahang PBA Press Corps bubble Player of the Week para sa period na Oct. 11-18.

Tinalo ni Pogoy sina teammate Ray Parks Jr. at Phoenix Super LPG stalwart Matthew Wright para sa weekly citation na ipinagkakaloob ng mga miyembro media na nagko-cover sa PBA beat.

Samantala, si  Rain or Shine guard Adrian Wong ang first recipient ng PBAPC Rookie of the Week sa pagiging unang freshman na itinanghal na Best Player of the Game na may 15 points, 2 rebounds, at 2 assists sa 70-68 panalo ng koponan laban sa NorthPort.

Tulad ng  TNT, ang Elasto Painters, na tinatampukan ng apat na rookies, ay may 3-0 simula sa opening week.

“Hindi ko in-expect na ganito kaganda ‘yung ilalaro ko pero noong lockdown kasi, kondisyon pa rin ako kaya masaya na nagbunga ‘yung pinagpaguran ko,” sabi ni Pogoy, ang sharp-shooting Gilas Pilipinas sniper, na may average na 23. 7 points sa 44-percent 3-point clip, 7.0 rebounds, 1.3 assists, at 2.0 steals per game.

“Happy ako kasi maganda performance, tapos nananalo pa ‘yung team. Sabi nga ng teammates ko, tuloy-tuloy lang daw. Wala pa dapat i-celebrate kasi four games pa lang. Malayo pa ito,” dagdag pa niya.

Comments are closed.