POLANGUI, ALBAY, NASUNGKIT ANG “2023 SEAL OF GOOD LOCAL GOVERNANCE AWARD”

NASUNGKIT  ng bayan ng Polangui sa Albay ang ‘2023 Seal of Good Governance award.’ Tanging bayan ito ng Albay na nanalo ng naturang karangalan, at isa sa iilang bayan sa rehiyon ng Bikol.

Ipinahayag kamakailan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga nanalo ng ‘2023 Seal of Good Governance award.’

Sa isang liham kay Polangui Mayor Raymond Adrian E. Salceda, binati at pinuri rin ni DILG Secretary Benhur Abalos si Mayor Salceda sa karangalang nabuslo ng kanyang bayan.

“Sa 1, 715 LGUs na sumailalim sa masusing pagsusulit ng aming lupon, ang Bayan ng Polangui ay isa sa ilang nakatugon sa matinding mga pamantayan ng ating karangalang ‘SEAL.’ Kami sa ‘Council of Good Local Governance,’ ay lubhang natutuwa at humahanga sa nasaksihan naming pagsusumikap ninyong pagtugon sa mga hamon, at maging ‘halimbawa ng tapat at mahusay na pamahalaang local,’ pahayag ni Abalos sa kanyang liham.

“Bilang isang pasado sa ating SGLG [Seal of Good Governance], ang inyong LGU ay magkakaroon ng karapatan at tatanggap ng ‘SGLG Incentive Fund, and other national program windows,’ batay sa isinsaad ng opisyal nating mga panuntunan,” dagdag niya.

Tatanggapin ni Mayor Salceda ang parangal para sa kanyang bayan sa ‘2023 SGLG Awarding Ceremonies’ na gaganapin sa Disyembre 15, ika-1 ng hapon sa Fiesta Pavilion ng Manila Hotel.

Si Mayor Salceda ay anak ni Albay 2nd Dist. Congressman Joey Sarte Salceda, na kilala rin bilang huwarang opisyal ng gobyerno. Nang manilbihan siyang punong lalawigan ng Albay sa loob ng siyam na taon, umani rin siya ng mraming pambansa at internasyunal na mga karangalan para sa kanyang lalawigan.

Ayon kay Mayor Salceda, “ang Polangui ay pangunahing bayan ng Albay at sentro ito ng edukasyon, transportasyon, at produksiyong agro-industriyal sa buong rehiyon. Bukod dito, tapat din ito sa pagbibigay ng natatangi at tapat na pagmamahal at marangal na paglilingkod, pagsulong sa kabuhayan at pananagutan sa pamamahala.”