POLANGUI AT GUINOBATAN FARM-TO-MARKET ROADS MALAPIT NANG MATAPOS

LIGAO CITY, Albay — Nakatakdang matapos ang ₱50-milyong 2.5-kilometrong farm-to-market road (FMR) sa Polangui sa katapusan ng Setyembre, kung saan inaasahang ililipat ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang pamamahala sa proyekto sa lokal na pamahalaan sa Oktubre.

Ang tagumpay na ito ay kasunod ng ginawang final inspection sa Itaran-Sitio San Luis-Lourdes road concreting project na pinangunahan nina Provincial Agrarian Reform Program Officer Randy D. Frogosa at Engr. Jerry A. Pascua mula sa Project Management Service ng DAR Central Office.

Ayon kay Frogosa, na namumuno sa proyekto, bagama’t ang inspeksiyon ay orihinal na binalak bilang pre-final check, sapat na ang progreso ng proyekto upang maituring itong final review.

“May ilang mga isyu na kailangang ayusin, pero minor lang naman,” aniya, na binigyang-diin ang pangkalahatang tagumpay ng proyekto.

Bukod dito, nagsagawa rin ang grupo ng pre-final inspection sa isinasaayos na 7.5-kilometrong FMR na Calsada-Malabnig-Mapaco-Mauraro sa Guinobatan, na may kabuuang pondo na ₱50 milyon.

Nagbigay si Frogosa ng mga listahan sa local government unit (LGU) ng Guinobatan na naglalaman ng mga bagay na kailangang tugunan at ayusin.

Sa mga exit conference kasama ang dalawang LGUs, binigyang-diin ni Frogosa ang kahalagahan ng pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento, kabilang ang certificates of completion, acceptance, at turnover, bago mag-Setyembre 30.

“Isasagawa ang ulat base sa final inspection na ito. Ang mga listahan ay maglalaman ng mga isyung kailangang ayusin,” paliwanag niya.

Samantala, binigyang-diin ni DAR Provincial Agrarian Reform Program Officer Maria Eugenia M. Alteza ang kahalagahan ng maagap na pagtugon sa mga natitirang isyu na tinitiyak na ang lahat ng pagsisikap ay gagawin upang masigurong matatapos ang mga proyekto sa tamang oras. MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA