POLICE COLONEL NA NAKI-BONDING SA FELLOW CHURCH MEMBERS NALUNOD

NAUWI sa trahedya ang pakipag-bonding ng isang senior officer sa kanyang pamilya at fellow church member nang malunod ito sa Marihatag, Surigao del Sur.

Nagluluksa ngayon ang Philippine National Police (PNP) sa pagkasawi ni PCol. Franciso Dungo, 54-anyos at naka-assign sa PNP National Headquarters, tubong Libertad, Butuan City.

Sinabi ni PNP Chief, Gen. Dionardo Carlos na isang trahedya para sa police force ang pagkamatay ni Dungo.

“The PNP is saddened by the untimely demise of Police Colonel Dungo, a hardworking officer who has dedicated himself to a full-time career in the police service, we join his family in prayer and mourning over his passing,” ayon kay Carlos .

Nabatid na kasama ni Dungo ang kanyang pamilya at fellow church members sa isang beach malapit sa kanilang pag-aaring resort sa Purok Mutya, Barangay Arorogan nitong Disyembre 4 ng umaga nang tangayin ito ng alon at nahirapan nang maisalba.

Batay sa investigation report mula sa Marihatag Municipal Police Station na malalim ang pinaglanguyan ni Dungo kaya nang dumating ang daluyong ng alon ay tinangay na siya hanggang malunod.

Nakuha naman agad si Dungo at nilapatan ng CPR saka isinugod sa ospital subalit nabigo na ang physician.

Alas-9:28 ng umaga ay idineklara ni Dr. Ivy Romanillos ng Marihatag District Hospital ang pagpanaw ni Dungo. EUNICE CELARIO