POLICE COMMANDERS INALERTO SA ‘GALAW’ NG NPA

KABILANG sa nabuong kautusan sa command conference kahapon ang atas ng liderato ng Philippine National Police (PNP) sa bawat unit commander na maging alerto laban sa mga mapanlinlang na galawan ng New People’s Army.

Ito ay kasunod ng muling pag-atake ng sampung rebelde sa grupo ng mga pulis sa Gandara, Samar nitong Sabado na ikinasawi ni Pat. Mark Monge.

Si Monge na kasama ng Regional Mobile Force Battalion 8 at Second Eastern Samar Provincial Mobile Force ay nagsagawa ng humanitarian activities gaya ng pamamahagi ng relief goods sa nasabing lugar nang tambangan ng mga rebelde.

Bagaman nakaganti ang pulisya, namatay si Monge.

Sinabi ni PNP Director for Operations, Maj. Gen. Valeriano De Leon, alinsunod sa gabay ni PNP Officer-In-Charge, Lt. Gen. Vicente Danao Jr., na dahil sa insidente, agad nang inatasan ang mga unit commander na maging maingat lalo na’t nasa mga lugar na rebel-infested area na huwag magpakampante at laging maging alerto.

“The CTG (communist terrorist group) has a long history of treacherous attacks against government troops, including the PNP, we must take care extra precautions to protect our personnel especially when they visit remote areas,” ayon kay De Leon.

Dahil sa insidente, nakikiisa ang buong PNP sa sama ng loob at galit ni Danao sa sinapit ni Monge.
Habang ipinaubaya kay Police Regional Office Director, Brig. Gen. Bernard Banac ang follow up operations para tugisin ang mga rebelde na nasa likod ng pananambang. EUNICE CELARIO