POLICE ESCORTS NG FDA HEAD INAMBUS NG NPA, 3 MINALAS

CRIME SCENE-2

CAMARINES SUR – PATAY ang tatlong police escorts ng pinuno ng Food and Drug Administration  (FDA) habang tatlong iba pa ang sugatan makaraang pagbabarilin ng halos 20 katao na umano’y miyembro ng New People’s Army (NPA) sa bayan ng  Lupi.

Ayon kay Police Region 5 Regional Director, Chief Supt. Arnel Escobal, naganap ang pananambang  alas-9:10 ng umaga habang sakay ng PNP vehicle ang tatlong police escorts ni FDA Director General Nela Charade Puno at binabaybay ang national highway sa Barangay Napolindan  ng  nasabing bayan patungo sa Daet, Camarines Norte nang pagbabarilin ng hindi matukoy na mga suspek.

Kinilala ang mga nasawing pulis na sina SPO1 Percival Rafael, PO3 Carlito Navarroza at PO1 Ralph Jason D. Vida habang sugatan sina PO1 Jonathan Pe­rillo, PO1 Ruby Bena at PO1 Rodolfo Gonzaga.

Matapos ang pananambang, agad na tumakas ang mga suspek at isinugod sa Bicol Medical Center ang mga sugatang pulis.

Agad namang ru­mes­ponde ang ilan pang istasyon ng pulisya sa lugar upang ikordon ang mga kalsada malapit sa lugar habang nagkaroon na rin ng ugnayan sa Philippine Army para tugisin ang umano’y rebelde na nagsagawa ng pananambang.

Sinasabing kasama sa convoy si Puno at ligtas naman ito dahil sa ibang sasakyan nakasakay.   R. SARMIENTO

Comments are closed.