ISANG police officer ang inaresto ng mga tauhan ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group habang nagsusugal sa isang casino sa Pasay City nitong nakalipas na Linggo.
Sa ulat ng Philippine National Police (PNP) isinagawa ang pag dakip sa police officer bunsod ng report na madalas umano itong nakikitang tumaya sa mga slot machine.
Isang law enforcement operation ang inilunsad ng PNP-IMEG-NCR Field Unit katuwang ang Regional Intelligence Division (RID) at Regional Special Operations Group (RSOG) ng National Capital Regional Office, PNP-PSPG, at Security Management Office ng Resorts World Casino.
Nabatid na ang dinakip na pulis ay kinilalang si Maj. Rolando Isidoro, 51-anyos, kasalukuyang naka-assigned sa Personnel Holding and Accounting Section ng PNP Police Security Protection Group.
Magugunitang naglabas ng isang memorandum circular na mahigpit na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na magsugal sa mga casino.
Kakasuhan ang nahuling pulis ng paglabag sa Revised Penal Code at Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials na kasalukuyang nakadetini sa PNP-IMEG sa Camp Crame.
Tiniyak naman ni BGen. Warren de Leon ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group na tuloy tuloy ang kanilang kampanya kaugnay internal cleansing at pagtugis sa mga tiwaling opisyal.
“We assure the public that we will continue our aggressive campaign to rid our ranks of this kind of police destroying our organization,” ani De Leon. VERLIN RUIZ