(Police station, paaralan at 315 bahay kabilang sa nasira) DEATH TOLL SA MINDANAO QUAKE NADAGDAGAN PA

lindol

DAVAO DEL SUR –PINANGANGAMBAHANG madadagdagan pa ang limang  napaulat na nasawi sa 6.9 magnitude quake sa lalawigang ito kabilang ang dalawa katao sa bayan ng Matanao.

Pahayag ni Matanao Mayor Vincent Fernandez, bukod sa mga nasawi nasa 104 pa ang sugatan.

Aniya, ang mga nasawi ay isang anim na taong gulang at 81-anyos na lola na umano’y inatake sa puso bunsod ng malakas na pagyanig noong Linggo, pasado alas-2 ng hapon.

Batay pa rin sa record, nasa 5,600 families ang napilitang lumikas sa nasabing bayan dahil sa pagyanig.

Ang mga lumikas ay nasa evacuation centers habang ang iba pa ay nag-set up ng tents sa labas ng kanillang bahay.

Inanunsiyo rin ng alkalde na naibalik na ang supply ng tubig at kor­yente sa ilang barangay habang patuloy na nagbibigay ng food packs ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Una nang naiulat na tatlo ang nasawi sa bayan ng Padada habang anim na iba pa ang nawawala nang gumuho ang Southern Trade Shopping Center  sa lugar.

Ang pagyanig noong Linggo ay ikaapat na pag­lindol nang malakas sa Mindanao kung saan ang una ay noong Oktubre 16 na sinundan noong Oktubre 29 at ang ikatlo ay nong Oktubre 31

Sa tatlong unang mga pagyanig ay nasa 22 ang nasawi.

CRISIS INCIDENT MANAGEMENT NG PNP INAKTIBO

Samantala, agad nang pinagana ng Philippine National Police (PNP) ang Crisis Incident Management para sa tamang response ng pulisya na naka-detail sa mga lugar na nilindol sa Mindanao.

Ayon kay PNP Depu­ty Chief for Opera­tions, Lt.  Gen. Camilo Pancratius Cascolan, noong Linggo rin ay inatasan na ang mga pulis doon para sa responde at makatulong sa mga nabiktima ng lindol.

Sa mga krisis at ka­lamidad aniya ay malaki ang role ng PNP upang ibsan ang pangamba ng mga apektado ng trahedya.

Kabilang sa rerespondehan ng pulisya ang pagtulong sa mga naipit sa pagyanig habang palalakasin din ang police visility upang maiwasan ang pananamantala ng iba gaya ng looting sa mga gumuhong bahay at istraktura.

15 PAARALAN NAGKABITAK

Pinaresponde na rin ng Department of Education ang kanilang team para siyasatin ang napaulat na mga paaralan sa Davao del Sur na nagkaroon ng bitak dahil sa 6.9 magnitude quake.

Bunsod nito, walang pasok ang klase sa mga apektadong lugar gaya sa bayan ng Padada at Matanao na labis na napinsala.

PAG-UGA NAGPAPATULOY, 315 BAHAY, POLICE STATION AT MGA PAARALAN NAGIBA

Iniulat naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council  (NDRRMC) na nagpapatuloy ang aftershocks makaraan ang 6.9 magnitude quake noong Linggo.

Ayon kay Undersecretary Ricardo Jalad, NDRRMC executive director,  naitala ang 179 aftershocks kung saan 32 ay plotted at 10 ang naram­daman na natunton ang epicenter sa 6  kilometers northwest ng bayan ng  Matanao.

Dagdag pa ni Jalad, kabilang sa mga nasira ay police station at ang the Maria Cleta National High School sa bayan ng  Padada; barangay hall sa Poblacion sa bayan ng Matanao;  police station at ang Nadila Elementary School sa bayan ng Kiblawan;  municipal hall sa Magsaysay;  municipal hall, Sangguniang Bayan building, at ang  Hagonoy National High School sa bayan ng Hagonoy.

Ang 315 nasirang bahay ay mula naman sa bayan ng Hagonoy. EUNICE C.

Comments are closed.