POLICE TRAINEE NABAGOK SA SPORTS FEST

Boxing

SURIGAO CITY – HINDI sanhi ng hazing ang pagkasugat sa ulo ng isang police trainee.

Una nang nilinaw ng Police Regional Office (PRO-13) na nagtamo ng fatal injuries sa ulo ang isa sa kanilang police trainee na nagdulot nang pagkamatay nito.

Pahayag ni Maj. Renel Serrano, Public Information Officer ng PRO-13, sumali umano sa boxing ang biktimang si James Polistico, residente ng Purok 13, Brgy. Poblacion Sibagat, Agusan del Sur na bahagi ng sportsfest na kasama rin sa kanilang anim na buwang Public Safety Field Training Program (PSFTP) sa Regional Training Center sa Brgy. Lipata, Surigao City.

Nilinaw nito na purely accident lamang ang nangyari kay Polistico at sa report na natanggap ng training director ng naturang training center, kanilang nalaman na noong gabi ng Disyembre 26, 2019 ay nag-collapse si Polistico kaya kaagad naman itong dinala sa isang ospital sa Surigao City.

Ngunit dahil hindi kaya ng mga doktor ang kanyang kaso kung kaya’t ini-refer ito sa isang pribadong ospital sa Lungsod ng Butuan at kaagad na isinailalim sa operasyon.

Kaaad itong dinala sa recovery room kinaumagahan upang obserbahan ngunit pagsapit ng alas-10:45 ng umaga ay nahirapan na ito sa paghinga hanggang sa tuluyan nang namatay dakong alas-11:20 ng umaga.

Napag-alamang na-diagnose na may brain herniation, right hemisphere, at acute subdural hematoma bihemisphere contusion ang naturang police trainee.

Nabigyan na ni Police Regional Office 13 Director Brigadier General Joselito Esquivel, Jr. ng tulong pinansiyal ang pamilya sa pagbisita nito sa lamay ng biktima. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.