PAIIGTINGIN pa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang presensiya ng kanilang mga tauhan kasunod ng pagsalubong sa bagong taon.
Ito ang ipinag-utos ni NCRPO Director MGen. Vicente Danao Jr na layong matiyak na nasusunod pa rin ang mga alituntunin sa paggamit ng mga paputok.
Ani Danao, sa mga eskinita o maliliit na kalye na kadalasang nakikita ang mga paglabag tuwing sumasalubong ang lahat sa bagong taon kung saan may gumagamit pa rin ng mga iligal o ipinagbabawal na paputok.
Giit ng NCRPO Chief, hindi basta-basta maaaring gumamit ng mga paputok o pailaw sa mga eskinita o maliliit na kalye dahil maaari itong magdulot ng pinsala hindi lamang sa mga tao kundi maging sa mga ari-arian at kabahayan.
Umaapela naman si Danao sa mga opisyal ng Barangay na tumulong at makipagtulungan upang mapanatili pa rin ang kaayusan at kapayapaan para sa ligtas na pagsalubong sa taong 2022. DWIZ 882