POLICE VISIBILITY SA SCHOOLS GAGAWING REGULAR

MAKARAAN ang stabbing incident sa Culiat High School na nagresulta ng pagkamatay ng Grade 7 student nitong Enero 20, ipinag-utos ni Philippine National Police Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. na madagdagan ang police visibility sa bawat paaralan.

Ayon sa heneral, magiging regular ang police visibility hindi lang sa nasabing paaralan kundi sa buong bansa na kapag nakita ang mga pulis ay may magpapaalala na hindi dapat gumawa ng masama.

Dagdag pa ni Azurin na hindi lamang tuwing opening ng klase dapat makikita ang mga pulis sa bisinidad ng paaralan.

““We will require sa ating PNP, ang sabi ko nga e, hindi lang sa opening ng klase ‘yung presensya ng ating pulis doon, dapat the PNP should always be there especially during the time na merong school activities,” ayon kay Azurin.

Nais din ni Azurin na sundin ng National Capital Region Police Office ang Police Regional Office 4A kung saan ang pulis mismo ang nagtataas ng bandila kapag flag raising ceremony sa mga paaralan.

“So nakikita po ng ating mga estudyante na may presensya ang pulis sa kanilang school, so they can approach, call for police assistance any time within the school hours,” ani Azurin.

Hinimok din ni Azurin ang pampubliko at pampribadong paaralan na pahintulutan ang mga pulis sa kanilang campuses. EUNICE CELARIO