HINDI na umabot pa ng buhay sa PNP General Hospital ang isang 29-anyos na police woman matapos na tapusin nito ang kanyang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbigti kamakalawa ng hapon sa loob ng Camp Crame sa Lungsod ng Quezon.
Sa paunang ulat ng pulisya ang biktima ay nakilalang si Patrolwoman Ruth Canete y Mondaya, may asawa at tubong Davao.
Lumitaw sa isinagawang pagsisiyasat, nabatid sa kasamahan ng biktima na nakilalang sina Cpl. Arnold Alos at Cpl. Janice Morales na napansin nila na ang ladies comfort room ng Maritime Group Headquarters na matatagpuan sa Camp Crame ay naka-locked na ng mahigit kalahating oras.
Agad na tumawag ang dalawa ng ilan pa nilang kasamahan upang mabuksan ang pintuan ng naturang CR at dito tumambad sa kanila ang nakabiting katawan ni Canete na may taling lubid na nylon na kulay orange sa leeg nito.
Daglian nilang ibinaba ang biktima at isinugod sa PNP General Hospital kung saan ay idineklara na itong dead on arrival ni Lt. Col. Calrisa Modes ang attending phycisian dakong ala-1:31 ng hapon.
Hanggang sa kasalukuyan ay inaalam pa ng pulisya ang tunay na motibo sa ginawang pagpapatiwakal ng biktima. EVELYN GARCIA