POSIBLENG panatilihin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang policy rates nito sa susunod na pagpupulong sa harap ng inaasahang mataas pa rin na inflation.
Ayon kay BSP Governor Eli Remolona Jr., “may leeway pa rin” para panatilihin ang policy rates sa 6.5 percent.
“We’re still hawkish. Mataas pa inflation eh. We’ll see tomorrow. But one number won’t make a big difference. We need to look at a few months,” pahayag ni Remolona sa sidelines ng pagdiriwang ng Government-Owned- or Controlled Corporations (GOCC) Day sa Philippine International Convention Center.
Ang April 2024 headline inflation data ay ilalabas ng rPhilippine Statistics Authority (PSA) ngayong Martes.
Nauna nang itinaya ng BSP na maitatala ang headline inflation sa 3.5 hanggang 4.3 percent sa Abril.
Noong Marso, ang inflation ay naitala sa 3.7 percent.
“Parang ang galaw ngayon ng inflation eh naglalaro sa bandang 3.9, ganon. So parang alanganin eh, ‘di ba? Sana bandang 3. ‘Yung 3.9, madaling maging 4.1, ganon. Parang alanganin pa eh. So hawkish pa rin,” sabi ni Remolona.
Sa kanilang huling pagpupulong noong Abril 8 ay pinanatili ng Monetary Board (MB) ng BSP ang policy rates.
Muling magpupulong ang MB sa Mayo 16.
Sinabi ni Remolona na maaaring tapyasan ng BSP ang policy rates kapag ang inflation ay naitala sa 3-percent level ng ilang buwan.
“Sa ngayon, kung mag-ease kami, 25 [basis points] lang. Pero, we’ll see,” aniya.