POLIO AND MEASLES VACCINATION ISASAGAWA SA PEBRERO

Myrna Cabotaje

NAKATAKDA nang idaos ng Department of Health (DOH) ang ikalawang bahagi ng kanilang measles at polio vaccination drive sa bansa sa susunod na buwan.

Ito’y sa kabila ng ginagawang paghahanda ng DOH para sa nakatakdang rollout ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) inoculation program.

Ayon kay DOH Undersecretary Dr. Myrna Cabotaje, iimplementa na nila ang second phase ng kanilang measles at polio vaccination program sa Pebreo sa Region III, Calabarzon, National Capital Region, Regions VI, VII, at VIII.

Sinabi ni Cabotaje na bagamat prayoridad ngayon na makapagbigay ng bakuna laban sa COVID-19, ay hindi pa rin dapat na isaisantabi ang pagbabakuna laban sa iba pang nakahahawang karamdaman.

Aniya, mahalaga ang pagbabakuna laban sa iba pang infectious diseases gaya ng polio at tigdas, lalo na at ang naaapektuhan nito ay mga kabataan.

“Alam naman natin may competing priorities. Lahat ang pinag-uusapan ay COVID vaccination,” ayon kay Cabotaje, sa panayam sa radyo at telebisyon. “Kaya kailangan talagang pag-ibayuhin at lahat ng adbokasiya magawa para sa measles and rubella.”

Paliwanag pa niya, gaya ng COVID-19, maiiwasan rin ang pagkakaroon ng outbreak ng measles at polio sa pamamagitan ng herd immunity, na makakamit kung malaking bilang ng populasyon ang mababakunahan.

“Kapag mataas ang ating lebel ng pagbabakuna, ang virus hindi makakapasok kasi may immunity ang mga indibidwal na tao. Tapos kapag mataas ang individual immunity ng mga bata, hindi makakapasok ang virus,” aniya pa. “So kailangan mataas ang level ng ating pagbabakuna, 85-90%. Siyempre ang target natin lahat ng bata, sa measles nine to 59 months, mabakunahan ngayon.”

Nabatid na target ng DOH na mabakunahan ang may 4.7 milyong bata laban sa polio at 5.1 milyong bata naman laban sa tigdas para sa round na ito.

Dahil hindi pa pinapayagang makalabas ng tahanan ang mga batang 10-taong gulang pababa, ang DOH ang maghahatid ng bakuna sa kanilang mga tahanan sa pamamagitan ng barangay health station o paglalagay ng vaccination site malapit sa kanilang mga tahanan.

Matatandaang Pebrero 2019 nang magdeklara ng measles outbreak ang DOH sa Metro Manila habang muli ring nakapagtala ng mga kaso ng polio ang DOH sa huling bahagi naman ng naturang taon. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.