MAY pito ng polio cases na naitala sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH) kasunod ng kumpirmasyon na positibo na rin sa polio ang tatlo pang paslit na pawang taga-Mindanao.
Sa isang kalatas na inilabas ng DOH kahapon, sinabi nito na natanggap na nila ang resulta ng isinagawang pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at National Institute of Infectious Diseases-Japan, kung saan lumilitaw na positibo sa polio virus ang tatlong biktima, na pawang na-admit sa Cotabato Regional Medical Center.
Kabilang umano rito ang isang dalawang taong gulang na batang babae mula sa Maguindanao na dumanas ng lagnat at panghihina sa dalawang hita; isang taong gulang naman na mula sa Cotabato City na nakaranas ng ubo, lagnat at panghihina sa magkabilang hita at isang apat na taong gulang na batang babae na mula naman sa North Cotabato, at nakitaan ng lagnat, panghihina ng kaliwang hita, pananakit ng leeg at mga muscle sa mukha.
Anang DOH, hindi nabigyan ng polio vaccine ang unang dalawang kaso ng sakit habang ang huling kaso naman ay hindi nakakumpleto ng bakuna.
“It is unacceptable that more children are falling victim to this vaccine-preventable disease. We are more determined than ever to make sure that no child shall be missed during the next round of the Sabayang Patak Kontra Polio in Metro Manila and Mindanao,” ani Duque, sa inilabas na pahayag kahapon ng hapon.
“We should not be satisfied with our children receiving only one or two doses of the polio vaccine. Let us ensure that they receive the complete doses of the vaccine to fully protect them from polio,” aniya pa.
Nabatid na ang katatapos na Sabayang Patak noong Oktubre ay nagkaroon ng 96% coverage sa mga batang nasa 0-59 buwang gulang mula sa 17 lungsod/munisipalidad, habang sa Lanao del Sur naman ay nakapagtala ng 85% coverage mula sa 40 lungsod/munisipalidad.
“We are reiterating to all parents and caregivers to have their 0-59 months children immunized with the polio vaccine from November 25 to December 7,” panawagan pa ni Duque. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.