NAGPASYA ang Department of Health (DOH) na pansamantalang itigil ang isinasagawang polio mass vaccination sa ilang lugar sa Mindanao.
Kasunod na rin ito nang pagtama doon ng 6.3 magnitude na lindol kamakailan.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, maaari namang ituloy sa ibang araw ang pagbibigay ng bakuna sa mga bata kapag natiyak na ang kaligtasan sa mga lugar na niyanig ng lindol.
Ipinaliwanag ng kalihim na ang prayoridad nila sa ngayon ay ang kaligtasan ng kanilang mga health personnel at volunteers na nag-iikot o nag-sasagawa ng door-to-door para magkaloob ng libreng oral vaccine sa mga bata.
Matatandaang nitong Lunes, ay sinimulan ng DOH ang “Sabayang Patak Kontra Polio” na ginawa hindi lamang sa Maynila, kundi sa iba pang lugar sa Mindanao.
Kabilang sa mga target na mabigyan ng oral polio vaccine ay yaong mga batang limang taong gulang pababa, sa iba’t ibang lugar sa buong bansa.
Ayon pa sa DOH, hindi lamang mga health centers at pampublikong ospital ang may palibreng bakuna, kundi maging sa ilang pribadong ospital.
Magtatagal ang unang sigwada ng polio mass vaccination hanggang sa Oktubre 27. ANA ROSARIO HERNANDEZ