HINDI ire-regulate ng Commission on Elections (Comelec) ang mga election campaign na gagawin sa pamamagitan ng social media.
Ito ang inihayag kahapon ni Comelec spokesman James Jimenez matapos na matanong hinggil sa posibilidad na gumamit ng mga ‘campaign-related posts’ ang mga kandidato sa kanilang pangangampanya para sa May 13, 2019 National and Local Elections (NLE).
Ayon kay Jimenez, hindi naman nila maaaring isama o ibawas sa campaign ad limits ng mga kandidato ang posts nila sa social media.
Paliwanag niya, ang social media ay itinuturing na ‘personal expression’ kaya’t protektado ito ng Konstitusyon.
“Hindi po kasama ang social media… Okay lang po iyon kasi nga ang social media talaga parang ano iyan e, personal expression iyan e. So protektado rin po iyan [ng Constitution],” ani Jimenez, sa panayam sa radyo. “As far as regulation code, mas maluwang po ang tingin natin sa social kaysa traditional media.”
Sinabi pa ni Jimenez na malaya rin ang mga netizen na ipangampanya ang kanilang mga ‘manok’ o napipisil na kandidato sa kani-kanilang social media accounts.
“Simpleng distribution lang ng pangkaraniwang tao, kunwari may nakita akong [campaign] poster… na gustong-gusto kong ikalat. So pinost ko sa account ko tapos shinare ng mga kaibigan ko. Hindi problema iyon [ng kandidato], walang implikasyon iyon sa kaniyang regulations laban sa kaniya,” paliwanag pa ng poll official.
Gayunman, mahigpit naman aniya nilang imo-monitor ang mga tinatawag na ‘boosted’ o ‘paid posts’ dahil binabayaran ang mga ito.
“Pagdating sa social media, ang isang tinitingnan ng Comelec, e iyong mga boosted post na tinatawag – iyong mga nagbabayad ka ng P200 para dumami ang makakita ng mga post mo. Iyon iyong mga ganoong klaseng ad ang binabantayan natin,” aniya pa.
Kasalukuyan nang tumatanggap ang Comelec ng kandidatura ng mga taong nais na tumakbo sa May 13, 2019.
Nagbukas ang panahon ng filing ng Certificate of Candidacy (COC) noong Oktubre 11 at nakatakdang magtapos sa Oktubre 17, 2018.
Maaari namang magsimulang mangampanya ang mga kandidatong pinayagan ng Comelec na tumakbo simula sa Pebrero 12, 2019 hanggang Mayo 11, 2019, para sa mga tatakbo sa national posts, tulad ng sa pagka-senador at partylist groups, habang ang mga tatakbo naman sa local posts, tulad ng congress-men, at regional, provincial, city at municipal officials, ay maaaring mangampanya mula Marso 30, 2019 hanggang Mayo 11, 2019.
Ang election period naman ay nakatakdang magsimula sa Enero 13, 2019 at magtatapos sa Hunyo 12, 2019. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.