TAMANG mensahe at maayos na campaign strategy ang dahilan bakit patuloy na nangunguna si presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr, at kanyang running mate na si Sara Duterte, ayon sa assessment ng isang political analyst.
Sa isang panayam kamakailan, sinabi ni Prof. Dindo Manhit na ang mensahe ng pagkakaisa at pagpapatuloy ng mga nasimulan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isa sa mga dahilan kung bakit nananatiling malaki ang lamang ng BBM- Sara tandem sa kanilang mga katunggali.
“Yung diskurso na si Sen. Marcos ang pinaka-qualified na kandidato at ipagpapatuloy nga niya ang legacy na nasimulan ng kanyang pamilya at ang legacy na rin ni Pangulong Duterte . ‘Yun ang dominant discussion na napapansin namin,” sabi ni Manhit na tinutukoy ang saloobin ng majority ng mga botante.
“Yung konsepto rin na to continue his (Duterte administration) legacy na sa tingin nila at sa tingin ng mga botante na maganda itong legacy na Ito ay unity. So ‘yun ang mga bagay na nagkakaroon ng pagsunod ang nakararami,” dagdag pa niya.
Ayon sa pinakabagong survey ng Pulse Asia, nakakuha si Marcos ng 60 porsiyentong voter reference score habang 15 porsyento naman ang nakuha ni Leni Robredo.
Tumaas din ang lamang ni Duterte sa kanyang katunggaling si Sen. Tito Sotto matapos niyang makakuha ng 53 porsiyento.
Sa inilabas naman ng Laylo Research na may 3,000 na respondents, nakakuha si Marcos ng 63 porsiyento habang 17 porsyento lang ulit ang nakuha ni Robredo.
Sa vice-presidential race, 54 porsiyento din ang pumili kay Duterte habang 25 porsiyento lang ang kanyang katunggali.
Base naman sa survey ng Social Weather Stations (SWS), 50 porsiyento ang pumili kay Marcos habang 19 porsiyento si Robredo.
Habang 11 porsiyento naman ang lamang ni Duterte kay Sotto matapos niyang makakuha ng 44 na porsiyento sa survey.
Sinabi ni Manhit na maaring ang pagsasanib puwersa ng pamilyang Marcos at Duterte ang isa rin sa naging dahilan kung bakit tila napakalakas ng tambalang BBM-Sara UniTeam.
“Ako naniniwala na ang puwersa ni Marcos ay nanggagaling din sa UniTeam niya with Sara Duterte. So, nag-consolidate ang supporta ng Marcos at Duterte kay Sen. Marcos. So dapat patuloy na ipakita na sila ay talagang UniTeam,” wika nito.
Dagdag niya pa, maaaring ang pagkakaroon o paggamit ng maling messaging at campaign strategy ang dahilan kung bakit nahuhuli na ang ibang mga kandidato.
“Baka hindi nila naipapaliwanag at nailalatag talaga ang kanilang pinaninindigan at ano ba talaga ang positioning at posturing ng kanilang kandidatura. Hindi nila na-maximize yung strength dapat nila at yun ang nakuha ni Sen. Marcos that’s why maganda ang kanyang numero,” ayon sa professor.