POLITICAL LEADER PATAY SA PAMAMARIL

PATAY ang isang political leader ni Malabon City Congresswoman Jaye Lacson-Noel matapos pagbabarilin ng isang hindi kilalang suspek kamakalawa ng hapon sa naturang lungsod.

Hindi umabot ng buhay sa Ospital ng Malabon sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo ang biktima na kinilala si Renato Luis, 47-anyos ng Block 3, KADIMA, Barangay Tonsuya.

Sa ulat nina SSg Michael Oben at Cpl Renz Marlon Baniqued kay Malabon police chief Col. Albert Barot, habang naglalakad ang biktima sa KADIMA Basketball Court, Brgy. Tonsuya dakong alas-3:36 ng hapon nang mula sa likod ay sumulpot ang suspek at pinagbabaril ito.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek patungong DAMATA Brgy. Tonsuya habang isinugod naman ang biktima ng kanyang pamilya sa pagamutan.

Iniutos na ni Barot ang masusing imbestigasyon para matukoy ang pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa suspek habang inaalam pa ang motibo sa pagpatay sa biktima. EVELYN GARCIA