POLITICAL WILL

MASAlamin

KAMAKAILAN ay nag-post ako ng mga larawan ng kalikasan sa social media. Ilang mga kaanak na nasa abroad at ilang kaibigan ang nagtanong kung saan makikita ang lugar na aking ipinost. Laking gulat nila nang aking sabihing sa Manila Bay. Wala namang special sa camera na aking ginamit dahil isang cellphone lamang naman ang aking ipinangkuha ng mga larawan. Wala rin akong ginamit na filter o special effects man lamang.

Hindi na nila makilala ang Manila Bay ngayon dahil sa ipinagbago nito matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang paglilinis dito.

Ang ginawa ng administrasyon sa Manila Bay ay kasunod ng nauna nang kampanya nito sa isla naman ng Boracay. Malinaw na inabuso ng walang patumangga ang Isla ng Boracay ng  kung ilang dekada sa ngalan ng komersyalismo at pagkakakitaan ng mga negos­yante, lokal  na opisyal at mga residente ng isla.

Sa bandang huli, ang kawawa ay ang kalikasan at ang mga indigenous people ng Boracay na naitaboy sa kung saan-saan mula sa kanilang munting paraiso sa ngalan ng kitaan.

Ang ilan sa kanila ay mga nakikipagsapalaran sa Maynila, ang ilang naiwan na nangangalaga ng kanilang lupain sa isla ay pinagbobobola ng mga negosyante at mga lokal na opisyal.

Sa ilalim ng liderato ni PRRD ay ipinasara ang nasabing isla upang maisaayos para na rin sa pagliligtas ng kalikasan at mapangalagaan ito mula sa patuloy na pang-aabuso.

Hinigpitan ng DENR at DILG ang mga requirement para sa mga establisimiyento upang maiwasan ang pagkakaulit ng pagkababoy nito.

Kinakailangan nga lamang ng mas maayos na koordinasyon sa mga ahensiya ng pamahalaan kasama ang Department of Tourism upang mas ma-strategize nang mas maigi ang muling pagbubukas ng Boracay.

Walang ibang pa­ngulong nakagawa nito sa Boracay kundi si PRRD lamang, samantalang 1990s pa ay nagkakasakit na ang mga tao sa Boracay at nang eksaminin at imbestigahan ay napagtanto na ang sakit ay nanggagaling sa tubig ng Boracay na kontaminado na ng dumi ng tao, hayop at basura mula sa mga kabahayan at establisimiyento roon.

1990s pa ngunit ngayon lamang nailigtas ang Boracay sa tiyak na pagkakaligwak ng political will ng isang lider.

Nagpayaman na ang mga barangay official dito, ang mga alkalde at mga inspection officer ng munisipyo sa Boracay kaya tuloy-tuloy sana ang korupsiyon at hapi-hapi ng mga opisyal mabuti at naagapan ni PRRD at katulong nga si DENR Sec. Cimatu ay nabigyan ng ibayong aksiyon.

Gayundin sa Manila Bay, ilang dekada na ring inabuso ang nasabing landmark ng mga mamamayan at mga negosyante at ngayon lamang nabig­yan ng seryosong pagsagip. Kailangan talaga ng puso at political will. Nakikita natin ‘yan ngayon.