POLITICAL WILL NI POE SA MACR HINANGAAN

grace poe

IDINIIN  ng political consultant at statistician na si Janet Porter na malaking bentahe ang performance ni Senador  Grace Poe sa Senado dahil nagpakita siya ng political will sa mga isyu tulad ng pagkontra sa pagpapababa sa minimum age of criminal responsibi­lity (MACR) sa siyam na taong gulang na nakapasa sa Kamara ng mga Representante pero binago sa 12-anyos.

“Hindi nagbago ang posisyon ni Sen. Poe sa isyung ito dahil noong 2016 ay naghain siya ng Senate Resolution 157 bilang pagtutol sa pagpapababa ng MACR kaysa umiiral ngayon na 15-anyos,” sabi ni Porter na tubong Cavite. “Hindi naman tama na ibaba sa nine years old ang criminal responsibility, pulos totoy pa ang mga iyon at hindi pa makagagawa ng matitinding krimen.”

Naunang tinutulan ni Poe ang pagpapababa sa pananagutang kriminal ng mga bata sa edad na siyam na lilikha ng “kindergarten prisons” sa buong bansa.

Sa kasalukuyan, 15-anyos ang minimum age of criminal responsibility (MACR) sa bansa at naninindigan si Poe na hindi na ito dapat ibaba pa.

“Hindi nagbabago ang posisyon ko,” ani Poe. “Ang pagpapababa sa MACR ay kontra-mahirap dahil karamihan sa mga batang nagkakaproblema sa batas ay nagmula sa pamilya ng mga dukha at hindi makakakuha ng serbisyong legal.”

Idinagdag niya na hindi tugon ang pagpapababa sa edad para malutas ang juvenile offenses kundi makadadagdag pa sa malubha nang problema.

“Kung ginagamit ng mga sindikato ang mga bata sa kung ano-anong krimen, bakit hindi nila habulin ang mga sindikato?” tanong ni Poe. “Lilikha lamang tayo ng kindergarten prisons  kung ibababa ang MACR na sa halip mai-rehabilitate ang mga bata ay magtatapos ang mga ito sa ilalim ng mga eksperto sa sari-saring krimen.”

Comments are closed.