CAVITE – POLITIKA at hindi pagkasangkot sa droga ang pangunahing nakikitang motibo at sinusundan ng binuong PNP Special Investigation Task Group sa pamamaslang kay Trece Martires Vice Mayor Alexander Lubigan noong Sabado ng hapon sa Barangay Lucioano sakop ng nasabing bayan.
Ito ay matapos na kumpirmahin ni PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde na hindi kabilang sa narco list si Lubigan, pasado alas-3 ng hapon ng pagbabarilin sila Lubigan sa tapat ng isang Korean hospital habang nadamay at napatay rin ang driver nito na si Romulo Guillemer at pagkasugat ng bodyguard nito.
Nilinaw rin ni Albayalde, walang record na sangkot sa illegal drug trade ang vice mayor.
Kasunod nito ay inatasan ni Albayalde ang PNP sa region 4-A partikular ang Cavite Police Provincial Office (PPO) na magsagawa ng mas malalim na pagsisiyasat sa kaso at halungkatin ang mga background information na maaaring magbigay ng magandang lead sa kaso.
Maging si PNP-Police Regional Office 4A Director P/Chief Supt. Edward Caranza, ay nagsasabing ang isyu ng politika ang isa sa pangunahing anggulo na tinitignan ng mga imbestigador kaya in-ambush si Lubigan.
Samantala, inihayag naman ni Cavite Police Provincial Director Sr. Supt. William Segun sa paggulong ng ginagawang imbestigasyon ng binubuong SITG ay beneberipika nila ang mga nakalap na impormasyon kabilang na ang pagbabanta sa buhay ang vice mayor.
Huling termino na sana ni Lubigan bilang bise alkalde at pinag-aaralan nito na tumakbo sa mas mataas na posisyon.
Samantala, nananatiling kritikal ang lagay ng bodyguard ni Lubigan na si Romeo Edrinal, 56-anyos, may asawa at naninirahan sa Pabahay Barangay Cabuco, TMC na nahagip din sa unang bugso ng putukan nang tambangan sila ng mga hindi pa nakikilalang suspek na lulan din ng kulay itim na SUV. VERLIN RUIZ