POLITIKO BINALAAN SA“PERMIT TO CAMPAIGN FEE” NG NPA

PINAYUHAN ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Guillermo Eleazar ang mga kakandidato sa darating na 2022 elections na huwag magbayad ng “permit to campaign fee” sa New People’s Army (NPA).

Ayon sa PNP Chief, sasamantalahin na naman ng NPA ang pangangampanya para makakolekta ng pera mula sa mga kandidato para sa iba’t ibang lokal at pambansang posisyon.

Paalala ni Eleazar, paglabag sa batas, partikular sa “Anti-Terrorism Act of 2020,” ang pagbibigay ng pinansiyal na suporta sa NPA.

Paliwanag ni Eleazar, ayon sa Republic Act 10168 o Terrorism and Financing Prevention and Suppression Act of 2012, ang pagbibigay ng pera sa sinumang terroristang grupo ay kinokonsiderang direktang pag-pondo sa mga terrorist attack.

Aniya, ang paglabag sa RA 10168 ay may parusang pagkakulong ng 20 hanggang 40 taong at multa na hindi bababa sa P500,000.

Maari pang i-freeze ng Anti-money laundering council (AMLC) ang mga ari-arian ng mga lumabag.
EUNICE CELARIO

Comments are closed.