INILUNSAD ng labor department ang mobile service upang tugunan ang lumalaking pangangailangan ng mga migranteng manggagawang Filipino sa Al Khobar at iba pang lugar sa Eastern Region ng Kingdom of Saudi Arabia (KSA).
Sinabi ni Labor Attaché Hector Cruz, Jr. ng Philippine Overseas Labor Office (POLO)–Al Khobar nitong Biyernes na pinahintulutan ng mga awtoridad ang operasyon ng POLO-on-wheels upang tugunan ang pangangailangang consular, welfare at documentary ng mga OFW sa rehiyon.
Bukod sa mobile service, sinabi ni Cruz na pinahintulutan din ng Saudi Ministry of Foreign Affairs ang POLO na maglagay ng lugar na matutuluyan ng mga distressed OFW at mga naghihintay ng repatriation.
Ang DOLE ay may regular na tanggapan lamang ng POLO sa Riyadh at Jeddah.
“Ikinagagalak naming iulat na kami ay pinahintulutan ng kagawaran na magkaroon ng POLO on wheels at magbigay ng serbisyo publiko tatlong beses sa isang linggo. Ito ay magandang balita para sa ating mga manggagawa na sa halip na bumiyahe sila ng 430 kilometro sa ating POLO-Riyadh, maaari na nating tugunan ang kanilang pangangailangan saan man sa silangang rehiyon,” wika ni Cruz.
Aniya, ang POLO on wheels ay alinsunod sa direktiba ni Labor Secretary Silvestre Bello III na tiyaking mabibigyan ng serbisyo ang mga OFW para sa kanilang proteksiyon at kapakanan.
“Bagama’t pinahintulutan kaming mag-operate ng POLO on wheels, kinakailangan naman naming sundin ang itinakdang patakaran ng kanilang pamahalaan, tulad ng hindi kami maaaring mag-operate sa mga commercial district,” aniya.
Ayon pa kay Cruz, ilulunsad ngayong linggo ang mobile POLO, kung saan iba’t-ibang serbisyo ang ibibigay sa mga OFW tulad ng consular services, paglipat ng trabaho, repatriation, at tulong para sa mga may problema/isyu sa kanilang trabaho o sa kanilang mga amo.
Bukod sa POLO on wheels, sinabi ni Cruz na pinayagan din sila ng pamahalaang Arabo na makapag-operate at mamahala ng isang hotel-type na bahay-kalinga para sa mga distressed Pinoy workers, gayun din para sa mga naghihintay ng kanilang flight pabalik ng Pilipinas.
Batay sa record ng POLO, may humigit-kumulang 220,000 hanggang 230,000 Filipino sa silangang rehiyon ng KSA, na may 215,000 na dokumentadong OFW kabilang ang kanilang mga dependent, at ilang permanenteng migrante.
Kadalasang nasa industriya ng oil exploration at drilling ang mga OFW sa silangang rehiyon ng KSA, habang ang ilan naman ay nasa sektor na nakatuon sa serbisyo tulad ng sa mga café, restaurant, gayun din sa maintenance service sector.
“Regular na naming gagawin ang aming outreach program sa pamamagitan ng aming proyektong POLO on wheels. Ang ating mga tauhan na ngayon ang lalapit upang paglingkuran kayo at ibigay ang mga serbisyong kailangan ng ating mga kababayan,” ani Cruz.