POLUSYON SA TRAPIK AT HINDI SA COAL PLANTS

Magkape Muna Tayo Ulit

NAGLABAS ng ulat kamakailan na ang traffic-related air pollution ay nakaaapekto sa kalusugan ng mga masisipag nating mga traffic enforcer, lalong-lalo na sa kanilang puso at baga.

Ayon sa pananaliksik ni Emmanuel Baja ng National Institute for Health sa University of the Philippines Manila, napag-alaman nila na ang pananatili nang matagal sa mga lansa­ngan ng Metro Manila ng ating mga traffic enforcer na nakalalanghap ng mga usok ng mga sasakyan ay nakapagpapataas ng blood pressure at peligro sa kanilang baga.

Ang mga maitim na karbon at maliliit na heavy metals na makikita sa mga maitim na usok ng ating mga sasakyan ay maari ring sanhi ng pamamaga ng puso ng tao na maaring makasira nito.

Sinuri nila ang kalagayan ng mga kalusugan ng 158 na mga traffic enforcer ng MMDA at nakita nila na mataas ang black carbon sa kanilang dugo at mataas ang kanilang mga blood pressure. Nakita rin na ang black carbon ay kumapit din sa kanilang mga baga.

Ito ay nagpapatunay na panahon na upang dagdagan ang hazard compensation ng ating mga traffic enforcer. Ito rin ang nagpapatunay na grabe na ang polusyon sa Metro Manila. Ano na ang nangyari sa batas  na ang tawag ay ang Clean Air Act of 1999 o Republic Act No. 8749? Ang nasabing batas ay isang komprehensibong plano at programa na hangad na makamit natin ang isang malinis na hangin para sa lahat ng Filipino. Mukhang hindi yata ito napapatupad kung gan’un.

Nasabi ko ito dahil ibinabalik ko sa mga grupo na tutol sa pagtatayo ng mga coal plant sa ating bansa dahil daw nakasisira ito sa ating kalikasan. Dagdag pa rito ay nakasisira raw ang coal  plants sa kalidad ng hangin sa ating bansa. Haller?

Ayan. May pagsasaliksik na ginawa ang University of the Philippines na nagpapatunay na ang ugat na nakasisira sa kalusugan ng mga mamamayang Filipino ay ang polusyon na dulot ng mga lumang sasakyan sa ating lansangan. Ma­linaw na malinaw.

Kaya nakapagtataka kung bakit ang mga grupong tutol sa pagtatayo ng mga coal plant ay ayaw sumawsaw sa isyu ng maruming usok na mga sasakyan sa a­ting mga lansangan. Nan­dyan. Nararamdaman. Nakamamatay. Bakit wala silang aksiyon laban dito? Bakit ayaw nilang  suportahan at itulak ang programa ng gobyerno sa moder­nisasyon ng mga pampublikong sasakyan? Napapaisip lamang ako.

Ang banta ng umano’y maruming usok na ilalabas sa pagtatayo ng mga coal plant ay walang matibay na basehan. Samantala ang marumi at maitim na usok na lumalabas sa ating mga bulok na bus, jeepney at mga trak ay kitang-kita.

Sana ay mag-isip-isip ang mga mamamayan kung ano ang tunay na agenda ng mga tumututol sa pagtatayo ng mga moderno at makabagong coal plants. Kapag natayo ang mga ito, sigurado na bababa ang singil sa koryente. Tataas ang ekonomiya ng ating bansa dahil mas tataas ang produksiyon ng mga manufacturer sa ating bansa.

Kapag natuloy ang modernisasyon ng ating pampublikong sasakyan, Malaki ang maibabawas ng black carbon sa ating hangin. Gaganda pa ang daloy ng trapiko. Hindi po ba?

Comments are closed.