PONDO NG DENGVAXIA AT BARANGAY HEALTH STATIONS SABAY NA INILABAS

DENGVANGXIA-BHS

SA PAGDINIG  ng Committee on Health sa Senado kaugnay sa P8.1 bilyong barangay health stations ay natuklasan na  magkasabay  ang pagpapalabas  ng  Special Allotment Release Order (SARO) para mapondohan ang kontrobersiyal na BHS at Dengvaxia vaccines.

Parehong Disyembre 29, 2015 inilabas ang SARO na may magkasunod na numero para sa nabanggit na mga proyekto.

Kinuwestiyon ito ni Sen. JV Ejercito  at lumalabas na  kinuha ang pondo sa 2015 Miscellaneous Personnel Benefits Fund o MPBF na nakalaan sa pampasuweldo sa mga empleyado ng gobyerno.

Ayon kina Senator Ejercito at Win Gatchalian, delikado ang nakagawian ng nakaraang administrasyon na ginagamit sa ibang proyekto ang MPBF na partikular ng pinaglaanan ng Kong­reso.

Nasa P8.1 bilyon ang pondong inilaan para sa pagtatayo ng 5,700 school-based barangay health sta-tions, ngunit  lumalabas na 270 lang ang naitayo ng kontrator na JBros Construction.

Sinabi naman ni dating Health Secretary Ubial na may naamoy na silang anomalya sa proyekto kaya in-indorso ito kay Health Secretary Duque, na humiling naman sa Commission on Audit na ito ay  imbestigahan.

Sa panig ng JBros Construction Company, sinabi ng mga ito na nilabag ng DOH ang kontrata nang mabigo ang kagawaran ng magbigay ng mga lugar para sa pagtatayuan ng BHS project.

Sinabi ng abogadong si Julieann Jorge, tagapagsalita ng JBros na tinapos nila ang kontrata para sa “Tsekap” project  dahil hindi nakasunod  sa obligasyon ang DOH.

Iginiit naman ni dating Health Secretary Janette Garin na kasalanan ng contractor kung hindi natapos ang pagpapatayo ng 5,700 BHS sa bansa.

Aniya, dalawang taon na siyang wala sa DOH at kung hindi natapos ang naturang proyekto ang contractor ang dapat habulin ng gobyerno at hindi siya.     VICKY CERVALES

Comments are closed.