PONDO NG DOLE DARAGDAGAN NG SENADO

dole

ISUSULONG  ng Senado ang karagdagang pondo para sa Department of Labor and Employment (DOLE) upang lubos na matugunan ng gobyerno ang lahat ng serbisyong angkop sa mga overseas Filipino worker (OFW).

Ito ang ipinahayag ni Senador Sonny Angara sa pagpapatuloy ng deliberasyon ng 2019 budget sa senado.

Anang senador, malaking tulong sa DOLE ang dagdag pondo dahil mapalalakas nito ang programa ng ahensya, ang One-Stop Service Centers for OFWs, gayundin ang 24/7 Hotline Services nito. Sa pamamagitan ng mga naturang programa, mas mapadadali ang paghingi ng tulong at suporta ng OFWs sa gobyerno.

Nauna rito, binatikos ni Angara ang P5 mil­yong alokasyon sa mga naturang programa ng DOLE sapagkat hindi aniya ito sapat para tugunan ang pangangailangan ng OFWs na nagpapakahirap maghanapbuhay sa ibayong dagat.

“Sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mas mabilis na serbisyo ay maiibsan natin ang mga alalahanin at mapagagaan ang buhay ng tinatawag nating mga bagong bayani ng bayan,” ayon sa senador.

Mababatid na inilunsad ang one-stop shop services ng DOLE noong 2016 upang mas mapadali ang paghingi ng ayuda o anu-mang suporta ng OFWs sa ating pamahalaan.

Nitong nakaraang taon,  1.4 milyong OFWs ang natulungan ng programa na kinaaaniban ng 14 na iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Foreign Affairs, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at ang Maritime Industry Authority.

Sa kasalukuyan, mayroon tayong 18 one-stop centers sa mga lalawigan ng La Union, Isabela, Pampanga, Nueva Ecija at Palawan. Mayroon ding mga tanggapan nito sa mga lungsod ng Baguio, Tuguegarao, Legazpi, Calamba, Cebu, Iloilo, Tacloban, Davao,  Bacolod, Zamboanga, Cagayan de Oro at Koronadal at maging sa Caraga region.  VICKY CERVALES

Comments are closed.