(Pondo ng DSWD pinadaragdagan ng P2-B)P10K CASH AID SA BAWAT ESTUDYANTE

ISINUSULONG sa Kamara ang paglalaan ng panibagong P2 bilyong pondo na maaaring gamitin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa ipinatutupad nitong Indigent Student Aid Program.

Kasabay nito, iminungkahi ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas na gawing P10,000 kada mag-aaral ang ibibigay na tulong pinansiyal ng naturang ahensiya sa ilalim ng naturang programa.

“Hanapan ng karagdagang P2 billion ang programa. Gawing P10,000 ang student aid dahil kahit ‘yung P4,000 para sa magkokolehiyo ay hindi sapat para tustusan ang pinakabatayang pangangailangan para sa balik-eskwela,” ang mariing pahayag ng lady partylist lawmaker.

“Napakaliit ng pondong inilaan para sa indigent student program tapos ang liit din ng cut-off kada Sabado. Dapat dagdagan ang pondo para sa ayuda lalo’t bugbog na bugbog na sa krisis at taas-presyo ang mga kababayan natin,” dagdag pa ni Brosas.

Ayon sa House Assistant Minority Leader, nakatanggap sila ng impormasyon na dumagsa ang mga aplikante para sa P500-million Indigent Student Aid Program na ito, kung saan ang DSWD ay magbibigay ng cash assistance na P1,000 hanggang P4,000 bawat student beneficiary depende sa kanilang educational level.

Ang nakalulungkot, ani Brosas, bukod sa maliit ang halaga, mahaba rin ang pila at may ipinatutupad na cut-off na 2,000 applicants lamang sa bawat DSWD field office kada Sabado at hanggang sa Setyembre lamang tatagal ang programa.

Kaya bilang tugon, sinabi ng lady lawmaker na itutulak ng Gabriela Partylist at ng buong Makabayan bloc sa paparating na deliberasyon ng pambansang badyet ang mas mataas na pondo para sa edukasyon, kabilang ang ayuda sa mga mag-aaral, pagpapagawa ng mga bagong klasrum at suweldo at benepisyo ng mga guro.

ROMER R. BUTUYAN