PONDO NG KABUTIHAN, PAALALA NI CARDINAL TAGLE

Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle

NAGPAALALA si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga mananampalataya na gami­ting ‘pondo ng kabutihan’ ang Salita ng Diyos, kasabay na rin ng pagdiriwang ng ika-14 na anibersaryo ng Pondo ng Pinoy.

Ayon kay Tagle, ang salita ng Diyos ang marapat na maging pondo at pinagmumulan ng lakas ng bawat mananampalataya.

Nilinaw ng Kardinal na kung si Hesus at ang salita ng Panginoon ang magi­ging pondo, at inspirasyon sa buhay ng bawat tao ay magdudulot ito ng pagbabago sa bawat isa.

Ipinaliwanag ni Tagle na ang pagtanggap at pagpapapasok kay Hesus sa puso ng bawat tao ay magbubunga ng pag-ibig at bagong pagkatao na mag-aalis sa lahat ng hindi mabubuting pag-uugali ng isang indibidwal.

“Kapag tinanggap na si Hesus nang may pag-ibig, bagong pagkatao na rin. Dapat ‘yung luma ay maalis na – bitterness, fury, anger, shouting, reviling, dapat maalis. Hindi iyan katangian ng mga taong nakinig sa salita ng Diyos at tinanggap si Hesus. Galit, poot, pambubulyaw at masasamang salita, hindi ‘yan galing sa pananampa­lataya,” pahayag ni Tagle.

Binigyang-diin ng Kardinal na kung tatanggapin at paniniwalaan ng bawat tao ang salita ng Panginoon bilang pondo ng pananampalataya ay maging kanyang kayamanan.

“Kung titingnan po natin ang pinakapondo natin ay ang salita ng Diyos na kapag tinanggap, pinaniwalaan, isinabuhay ay magiging ka­yamanan,” aniya pa.

Ipinagdiwang ng simbahan ang ika-14 na taong ani­bersaryo ng pagkakatatag sa Pondo ng Pinoy, na pinasimulan ni dating Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales.

Nananalangin din ang Cardinal na sa paglago at pagdami ng mga natutulungan ng Pondo ng Pinoy ay magbunga pa ito ng mas maraming mara­ngal na Filipino na marunong dumamay sa kanilang kapwa at bukas ang puso katulad kay Kristo.

“Ang final na produkto ng Pondo ng Pinoy ay ang mara­ngal na Pinoy. Mara­ngal dahil marunong umibig, marunong dumamay, bukas ang mata at puso sa kapwa. Ang marangal na Pinoy hindi individualistic. Ang marangal na Pinoy hindi sarili ang itinataguyod. Ang marangal na Pinoy hindi magaspang ang pag-uugali. Ang marangal na Pinoy hindi nambubusabos. Ang marangal na Pinoy katulad ni Kristo,” aniya pa. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.