TINUTUTUKAN nang husto ng National Irrigation Administration (NIA) ang mga palayan sa Central Luzon dahil sa nakaambang pagbaba ng produksiyon nito bunsod ng inaasahang epekto ng El Nino.
Ayon kay NIA Administration Eduardo Guillen, maaaring umabot sa 20 percent ng sakahan ng bansa ang maaapektuhan ng El Nino dahil sa kakulangan ng supply ng tubig.
Nabatid na umaabot na sa 80,000 ektarya ng sakahan sa Luzon ang maaaring maapektuhan ng nasabing weather phenomenon na magdadala ng mahabang tagtuyot at kakulangan ng supply ng patubig.
Nabatid na dinoble ng pamahalaan ang pondo ng NIA para matugunan ang epekto ng El Niño sa mga sakahan at taniman ng iba’t ibang agricultural products.
Kinumpirma ng NIA na halos 100% ang idinagdag ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos sa kanilang pondo sa layuning maibsan ang epekto ng El Niño.
Dahil dito, may pondo na umano ang NIA para sa Solar Pump Irrigation, at drift irrigation na ipinamamahagi bukod pa sa karagdagang high yielding crops na iniutos ni PBBM na ipinamamahagi sa mga magsasaka sa mga lugar na may sapat na irigasyon para mapunan ang kakulangan ng ani sa ibang lugar.
Dahil dito tiniyak ni Guillen na mas malaki na ang mai-tu-turnover nilang bagong irigasyon sa maraming sakahan dahil sa dagdag-pondo.
Matatandaang itinuturing na prayoridad ni BBM ang food security sa kaniyang 8 point socio-economic agenda.
Samantala, isa sa malaking kinakaharap na suliranin ng NIA ang patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa walong dam sa Luzon dahil sa kakulangan ng ulan sa mga watershed na nakakaapekto rin sa kakulangan ng sapat na supply ng tubig sa irigasyon.
Sinabi ni National Irrigation Administration head Eduardo Guillen na apektado ang mga magsasaka sa Central Luzon ng hindi sapat na supply ng tubig sa irigasyon
Ibinunyag din nito na halos 50,000 ektaryang taniman sa lalawigan ng Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, at Tarlac ang maaapektuhan ng kakapusan ng irigasyon mula sa Pantabangan Dam habang 30,000 ektarya naman ang apektado sa parte ng Luzon. VERLIN RUIZ