NAGHAIN ng isang resolusyon ang kasapi ng minority bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na humihiling na mabigyan ng kaukulang kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte para magamit ang pondo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) sa pagpunan ng obligasyon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sa kanyang House Resolution no. 147, hinihimok ni AKO Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin ang kanyang mga kasamahan na pagkalooban ng nasabing kapangyarihan ang Pangulo ngayong suspendido ang operasyon ng PCSO sa ‘online charitable games’ nito.
Ayon sa kongresista, ang PCSO ay mayroong iba’t-ibang obligasyon, alinsunod sa ilang umiiral na batas kabilang pagbibigay ng pondo sa ilang government agencies gaya ng Philippine Sports Commission (PSC) at Commission on Higher Education (CHED).
Sinabi ng party-list lawmaker na batid naman na ang pondong naipapamahagi ng PCSO ay nagmumula sa mga nakokolekta nitong taya sa mga la-rong pinamamahalaan nito gaya ng lottery games at sweepstakes.
Sa direktiba mismo ni Pangulong Duterte na pagpapahinto sa PCSO games, sinabi ni Garbin na tiyak na apektado nito ang magiging pagtugon ng PCSO sa kanilang responsibilidad na financial assistance sa PSC, CHED at iba pa.
Upang maiwasan ito, kinakailangan aniya, na humanap ng ibang paraan at nakikita niya ang Pagcor na siyang maaaring sumalo sa obligasyon na ito ng PCSO at magagawa ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaukulang kapangyarihan kay Pangulong Duterte.
“There is an urgent necessity to urge President Duterte to exercise his executive powers and for Congress, which has the ‘power of the purse’ to au-thorize the President to cause PAGCOR to fund the PSC and CHED,” giit ni Garbin.
“Iniiwasan natin ang anumang aberya sa PSC, SEA Games, at sa CHED dahil sa korupsiyon sa PCSO. Ayaw natin na magambala ang athletes training, SEA Games hosting, pag-aaral ng mga kabataan sa kolehiyo, at research ng mga pamantasan,” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng HR 147, inaatasan din ang PSC, CHED, at Department of Budget and Management (DBM), maging ang Department of Finance (DoF), na tukuyin ang kaukulang ‘funding support’ na kinakailangang saluhin ng PAGCOR mula sa PCSO. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.