PONDO NG PUP IPAGLALABAN

SA kahilingan ng ilang estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) Sta. Mesa na nakipag-ugnayan sa “Raffy Tulfo In Action,” binisita ni Senador Raffy Tulfo ang kanilang unibersidad para sa isang ocular inspection.

Ayon sa mga estudyanteng nagsumbong, kalunos-lunos daw ang ilan sa kanilang mga pasilidad lalo na sa Engineering Laboratory. At nang mapuntahan na ito ni Tulfo at kumpirmado ang lahat ng kanilang mga sumbong.

Napansin ni Tulfo na napaglipasan na ng panahon ang mga laboratory equipment ng Engineering Department at hirap pang paandarin, ang iba ay nagmistula pang junk. Naroon din daw ang mga butas-butas na bubong, mga sahig sa second floor na gawa sa kahoy na tumutunog-tunog ‘pag dinadaanan at tila bibigay na.

May mga gusaling kailangan nang i-renovate at maraming silya na nangangalawang at marupok na sa kalumaan, mala-pugon na hallways at classrooms na sobrang init dahil kulang na sa ventilation, wala pang ceiling fans. Ang mga elevator sa iba’t ibang gusali ay sira, na dapat sana’y pinapakinabangan ng mga estudyanteng PWD.

Sa basketball court nito, sa daming tuklap ng semento, baka hindi na mag-bounce ang bola. May mga kable ng koryente na lumalawit sa loob ng gym na maaaring makaaksidente.

Ilan sa mga gusali ay walang koryente dahil sa mga ginagawang konstruksyon. Ang DPWH project ay halos isang taon nang natengga at paghuhukay pa lang ang nagagawa.

Ayon kina University President Manuel M. Muhi at Vice President for Administration Adam V. Ramilo, taon-taon, ang budget na inilalaan ng Kongreso para sa unibersidad ay tinatapyasan ng Department of Budget Management (DBM) kaya tali ang kanilang mga kamay sa paggawa ng karampatang building improvements at pagbili ng mga modernong kagamitan.

Nangako si Tulfo kina Muhi at Ramilo na tutulong siyang maipaglaban ang pondo ng PUP sa susunod na budget hearing ng Senado para mapaayos at mapaganda ito lalo pa’t nang malaman niya na marami sa mga estudyante rito ay mga anak ng OFWs.
VICKY CERVALES