DISMAYADO si Senate Agriculture committee chairman Cynthia Villar sa pagpapatupad ng Sugarcane Industry Development Act (SIDA) na hindi halos nagamit ang pondo nito para sa sugar farmers.
Ito ang nabatid kahapon sa pagdinig ng nasabing komite para busisiin ang estado ng ipinasang batas na tutulong sa sugar farmers na palakasin ang pakikipagkompetensiya ng industriya.
Ani Villar, sa ilalim ng Republic Act 10659 o ang Sugar Cane Industry Development Act (SIDA), ang kauna-unahang batas na kanyang naipasa bilang senador, maaaring makipag-kompetensiya sa foreign players ang ating industriya ng asukal.
“I passed the law to boost the sugarcane industry which contributes P70 billion to the country’s economy annually. Moreover, an estimated 700,000 Filipinos are directly employed in sugar production. The industry really plays a vital role in the country’s economic development,” giit ng senadora.
Subalit, sa nakalipas na apat na taon matapos itong maisabatas, hindi pa rin lubusang naipatutupad ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang SIDA kaya nadismaya si Villar.
Dahil dito, binawasan ang budget ng SRA mula P2 billion noong 2016 sa P500 million nitong 2019 sanhi ng underspending nito.
Nagbabala si Villar na kapag hindi ito naiwasto, lalo pang bababa ang budget ng SRA na posibleng maging P67 milyon na lamang sa 2020.
Inihain ni Villar ang Senate Resolution No. 40 upang busisiin ang pagkabigo ng SRA na ipatupad ang SIDA.
Nakapaloob sa batas, P2 bilyon ang taunang ibibigay sa sugar industry na gagastusin gaya ng sumusunod: a) 15 percent o P300 million sa block farm grants; b) 15 percent sa research and development, capability building at technology transfer; c) 15 percent sa socialized credits na ipatutupad ng Land Bank para sa farm support at mechanization; d) 5 percent o P100 million sa scholarship grants at human resources development programs; at e) 50 percent o P1 billion sa infrastructure development programs para sa bukid sa pagpapatayo ng mga kalsada, irrigation at transport infrastructure.
“Nakakalungkot dahil napakaraming puwedeng paggamitan ng pondo para matulungan ang mga sugar industry player, lalo na ang mga maliliit na magsasaka. Bakit nagkaroon ng underspending?” diin ng senadora. VICKY CERVALES
Comments are closed.