QUEZON-AABOT sa humigit kumulang sa kalahating milyong piso ang natangay ng magnanakaw mula sa isang empleyado ng DENR CENRO-Real na para umano sa mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced workers o (TUPAD) gayundin ang kanyang personal cash at ilang cellphones sa kanyang bahay sa Purok Rose, Brgy. Poblacion Uno, Real sa lalawigang ito kahapon.
Base sa report ng Real PNP, dakong alas- 4 ng madaling araw habang natutulog ang biktima na si “ Rubelyn”, administrative aide ng DENR CENRO-Real sa ikalawang palapag ng kanyang kuwarto nang marinig ang ingay ng monitor na nahulog malapit sa bintana ng bahay.
Nadiskubre ng biktima na wala ng laman ang kanyang 2 backpack kung saan nakalagay ang personal na pera nito na nagkakahalaga ng P119,000 na kasamang ninakaw rin ang P270, 720.00 cash mula sa DENR CENRO REAL na para sa TUPAD beneficiaries at tinangay rin ang 1 Samsung Tablet, 1 Samsung A71 smartphone, 1 Huawei Nova 3i smartphone at 1 Vivo Y91 smartphone .
Natagpuan rin ang pouch ng biktima sa isang sanga ng puno sa labas ng jalousie na bintana ng bahay nito.
Umaabot sa P436,720.00 ang kabuuang halaga na natangay ng magnanakaw.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para sa pagkakakilanlan at madakip ang mga suspek. BONG RIVERA