PONDO PARA SA COVID-19 VACCINES SAPAT TINIYAK NG DOF

UNREGISTERED COVID-19 VACCINES

MAY sapat na pondo ang gobyerno para bumili ng COVID-19 vaccines mula sa iba’t ibang sources upang bakunahan ang hindi bababa sa 50 million Filipinos, ayon sa Department of Finance (DOF).

Sa isang statement, sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na nasa P82.5 billion ang kinakailangang budget para mabakunahan ang 55 porsiyento ng populasyon.

Ayon sa DOF, sa  P82.5 billion vaccine budget, P2.5 billion ang magmumula sa Department of Health (DOH), P10 billion sa Bayanihan 2, habang ang nalalabing P70 billion ay manggagaling sa loans.

Ang multilateral institutions tulad ng World Bank, Asian Development Bank at Chinese-led Asian Infrastructure Investment Bank, ay inaasahang magpapahiram ng P62.5 billion upang ipambili ng COVID-19 vaccines para sa adult Filipinos.

“So, basically, we are going to be covered and I think we will be able easily now, with the resources that we have raised, to vaccinate 60 million Filipinos,” ani Dominguez.

Ayon sa kalihim, target ng pamahalaan na mabakunahan ang may 50 hanggang 70 million adult Filipinos na may edad 18 at pataas dahil ang bakuna ay hindi pa malinaw para sa mga bata.

Ang presyo ng bakuna ay tinatayang nasa P1,300, kabilang na rito ang required doses, syringe, storage, equipment, information campaign, monitoring at iba pang support services.

Nakatakdang magsagawa ang Filipinas ng dry run sa susunod na linggo para matiyak na ang mga pasilidad ay handa para sa unang batch ng COVID-19 vaccines na inaasahang darating sa susunod na buwan.

Comments are closed.