Sa pangunguna ng Senior Citizens Party-list, naging batas na ang Expanded Centenarian Act o Republic Act 11982 at kabilang na ito sa inaasahang mapopondohan sa 2025 General Appropriations Act. Isinulong sa Mababang
Kapulungan ng Kongreso ni Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes ang panukalang magbibigay ng mga karagdagang benepisyo sa mga Filipinong may edad 80 hanggang 99. Kabilang sa mga benepisyo ang pagbibigay ng P10,000 sa mga aabot sa edad 80, 85, 90 at 95. Ang aabot naman sa edad 100 ay tatanggap ng P100,000. Naging ganap itong batas noong nakaraang Pebrero 26 matapos pirmahan sa Malakanyang ni Pangulong Marcos Jr. “Ito ay munting pagkilala lamang sa ating mga mahal na senior citizens at pagmamalasakit sa kanila.
Tulong na rin ito sa pantustos sa kanilang mga pangangailangan gaya ng pagkain at gamot,” ani Ordanes. Pinasalamatan naman ni Ordanes ang mga kapwa mambabatas na naghain ng katulad na panukala at ito ay sina Reps. Roy Loyola, L-Ray Villafuerte, Anthony Horibata, Nicolas Enciso, Loreto Amante, Miguel Luis Villafuerte, Mark Go, Bryan Revilla, Ruth Hernandez, Marlyn Agabas, Ma. Carmen Zamora, at Lani Mercado, Revilla. Gayundin sina Reps. Paolo Duterte, Christopher Yap, Toby Tiangco, Sonny, Lagon, Daphne Lagon, Jeffrey Soriano, Mary Mitzi Uy, Maria Fe Abunda, Carlito Marquez, Horacio Suansing, Mikaela Suansing, Marivic Pilar, Paolo Ortega V, Alfred delos Santos, Julienne Baronda, at Patrick Vargas. Inaasahan ni Ordanes na isa ito sa mga bagong batas na mababanggit ni Marcos sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ngayong araw.