PONDO PARA SA PAGBABAGO AT PAG-ASENSO LUSOT NA SA KAMARA

Rep Peter Unabia

LUSOT na sa ikatlo at huling pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 7466 o ang  ‘Pondo para sa Pagbabago at Pag-Asenso’ (P3 Act), na isang financing program ng pamahalan para matulungan ang micro-enterprises sector o mga maliliit na negosyo.

Ayon kay 1st. Dist. Misamis Oriental Rep. Peter Unabia, chairman ng House Committee on Small Business & Entrepreneurship Development, pangunahing layunin sa pagsusulong ng ‘P3 Act’ ang pagbibigay ng pautang na simple lamang ang pagpoproseso at mas mababa ang interes.

Sinabi ng Misamis ­Oriental lawmaker na ang pautang na makukuha ng mga kuwalipikadong micro, small and medium enterpri­ses (MSMEs) ay maaari lamang nilang magamit bilang pauna o kaya’y karagdagang kapital sa kanilang negosyo.

Binigyan-diin ng kongresista, na siya ring ­pangunahing may akda ng naturang panukalang batas, na sa ilalim ng ‘Pondo para sa Pagbabago at Pag-asenso’, ang ipapataw na interes sa ipahihiram na pera ay mas mababa kaysa sa umiiral na interest rate ng iba’t ibang financial institutions.

Dagdag pa niya, bukod sa gagawing simple ang proseso sa loan application, ang mga maliliit na negos­yante na gustong maka­utang ay hindi na hihingan ng kolateral.

Bunsod nito, tiwala si Unabia na maaari nang makaiwas sa sistema ng ‘5-6’ ang mga maliliit na negosyante gaya ng sari-sari store owners at karinderya o canteen operators, mga nagtitinda sa palengke at iba pa dahil mas nanaiisin na lamang nilang maging bahagi ng P3 financing program na ito, na may basbas ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Batid ng mambabatas na maraming maliliit na negosyante ang kumakapit sa patalim na kahit malaki ang interes ay napipilitan mangutang sa ‘5-6’ dahil wala naman silang malapitang ibang mahihiraman ng kinakailangan nilang puhunan.

Sa ilalim ng HB 7466, bukod sa micro-enterprises at entrepreneurs, maaari ring makinabang sa ‘P3 Progam’ ang mga agri-businessman, miyembro ng iba’t ibang kooperatiba, maging ang mismong lisensiyadong koope­ratiba at industry associations.

Ang Micro, Small and Medium Enterprises Deve­lopment (MSMED) Council ang inatasang magtakda ng halaga na maaaring ­mautang ng bawat mag-a-apply sa financing program na ito, gayundin ang interest rate na susundin. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.