BVALAK ni Senador Win Gatchalian na magmungkahi ng pondo para sa paghahanda ng Pilipinas sa 2025 Programme for International Student Assessment (PISA), bagay na aniya’y maaaring makatulong sa pag-angat ng score ng mga 15-taong gulang na mga mag-aaral sa naturang assessment.
“Pagpasok ng budget season, maaari tayong maglaan ng probisyon para sa paghahanda sa PISA.
Nakuha ko mula sa ating mga resource persons na isa sa mga hakbang para mapataas ang marka natin sa PISA ay ang paghahanda,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
“Tingin ko hindi naman malaki ang kakailanganin natin. Sa susunod na taon, lalahok tayo muli kaya isama na natin ang pondo upang makapaghanda ang ating mga paaralan,” dagdag ni Gatchalian.
Ipinaalala ni Southeast Asian Ministers of Education Organization (SEAMEO) INNOTECH Center Director at dating Secretary of Education Leonor Briones ang mga hakbang na ginawa ng Department of Education (DepEd) para paghandaan ang PISA. Kabilang dito ang paghahanda ng mga materyal para sa public school teachers at mga mag-aaral, pati na rin ang pagtitipon ng mga supplementary sources at familiarization materials na ginamit ng mga rehiyon sa field preparations.
Ayon naman kay DepEd-Cordillera Administrative Region (CAR) Director Estella Cariño, sinanay nila ang kanilang mga mag-aaral na gumamit ng computer. Dahil wala o kulang sa computer ang mga paaralan sa rehiyong lumahok sa PISA, humingi sila ng tulong mula sa mga local government units.
Nagsagawa rin ng mga dry run ang DepEd-CAR kung saan ang mga kalahok na estudyante ay hinayaang manatili sa mga silid-aralan. Binigyan din ang mga mag-aaral ng pagkain sa mga araw ng paghahanda at sa mismong araw ng exam.
Ang CAR ang isa sa tatlong pangunahing rehiyon na may pinakamaraming mag-aaral na nakapagkamit ng minimum proficiency sa reading, science, at math. Ang dalawa pang rehiyon ay ang National Capital Region at Region IVA.
VICKY CERVALES