UPANG mapabuti ang paghahanda sa mga kalamidad, dapat na gawing ehemplo ng pamahalaan ang mga matatagumpay na kompanyang namuhunan sa research and development (R & D).
Ito ang iminungkahi ni Senador Panfilo Lacson, chairman ng Senate Commitee on National Defense and Security, matapos ang sunod-sunod na kalamidad, kasama ang pagsabog ng Bulkang Taal.
Ayon kay Lacson, 0.4 porsiyento lamang ang nakalaan sa R & D sa pambansang gastusin.
“Science entails research. Science can greatly help especially during disasters. Yet, why do we appropriate only 0.4 percent on the average for R & D?” puna ni Lacson sa pagdinig ng kanyang komite sa panukalang disaster management.
Binigyang-diin pa ng senador na napakalaki ang maitutulong ng siyensiya at teknolohiya sa pagharap ng pamahalaan sa mga kalamidad.
“Science and technology can have a great impact on efforts to deal with disasters – from tracking cyclones and mapping high-risk areas to developing better ready-to-eat meals as well as methods to ensure the health and hygiene of evacuees,” paliwanag pa ni Lacson.
Para sa pambansang badyet para sa 2020 na P4.1 trilyon, nasa P16 bilyon lamang ang inilaan ng pamahalaan sa R & D na kung saan ay katumbas lamang ito ng 0.39 porsiyento ng kabuuang badyet.
Mula 2016 hanggang 2019, nasa pagitan lamang ng 0.34 at 0.45 porsiyento ng kabuuang gastusin ng pamahalaan ang nailaan sa R & D.
Walang-wala umano itong binatbat sa isang matagumpay na multinational na kumpanyang naglalaan ng 15 porsiyento ng kanilang pananalapi sa R & D.
“Even if we bump up the percentage to 1 or 2 percent of the national budget, I’m sure this will mean a lot to agencies such as the Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) and Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA),” diin ni Lacson.
Sa ilalim ng 2020 pambansang badyet, iminungkahi ng senador na dagdagan ang pondo para sa R & D ng Department of Science and Technology, kabilang na ang P100 milyon na dagdag sa Space S&T Program: Space Technology and Applications Mastery, Innovation and Advancement (STAMI-NA4Space) at P50 milyon na umento sa Science for Change Program.
“I believe the government can do much more if we enhance R & D,” pahabol ni Lacson. VICKY CERVALES