HINIMOK ng isang ranking House official ang liderato ng dalawang kapulungan ng Kongreso na maglaan ng kaukulang pondo sa ilalim ng panukalang P4.5-T 2021 national budget para magamit sa kakailanganing rehabilitation programs dala ng sunod-sunod na pananalasa ng mga bagyo sa iba’t ibang bahagi ng bansa
Ayon kay Quezon City 5th Dist. Rep. Alfred Vargas, vice-chairman ng House Committee on Appropriations, ang katatapos pa lamang na paghagupit ni Typhoon Rolly ay nagdulot ng malaking pinsala, partikular sa Bicol region, na dapat ay agad na masaklolohan ng pamahalaan.
Aniya, ang nasabing bagyo na itinuring bilang pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayong taon, ay nagdulot ng pagkasira sa halos 100,000 kabahayan at P11 bilyong pinsala sa imprastraktura.
Habang isinusulat ang balitang ito, nagbabanta naman si Typhoon Ulysses sa bahagi ng Bicol region, Calabarzon at Metro Manila, na pinangangambahan ding magdadala ng pinsala.
Giit ni Vargas, dahil sa nararanasang La Niña, na tinatayang magtatagal hanggang sa Marso ng susunod na taon, dapat magkaroon ang gobyerno ng budget para sa ‘recovery and rehabilitation programs’ na gagawin sa mga lugar na hinagupit ng bagyo.
“The recovery and rehabilitation plan, a mini-Marshall Plan for the affected areas, would address housing, agriculture, employment and other needs. This is to help the affected areas and residents to get back on their feet and rebuild lives and economies,” sabi pa ng Quezon City solon.
“This initiative is in support of President Duterte’s call for an all-out government push to aid our fellow Filipinos who have been displaced by the super typhoon,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Vargas na dapat ay tuloy-tuloy ang implementasyon ng rehab works upang mabilis na makarekober ang typhoon-hit areas at victims, na ang susi ay ang pagkakaroon ng pondo na agad-agad ay magagamit at sapat hanggang sa matapos ito. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.