MASAYANG inanunsiyo kahapon ni House Appropriations Committee Chairperson Karlo ‘Ang Probinsiyano’ Nograles na gumugulong na sa Mababang Kapulungan ang pagtalakay sa P3.757 trilyong 2019 national budget matapos aprubahan ng Kamara ang bagong committee report na nagbabalik sa P51.7 bilyon at naglalaan ng karagdagang pondo para sa Department of Education (DepEd), State Universities and Colleges (SUCs), Department of Health (DOH), Department of Agriculture (DA) at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa panayam ng Headstart sa ANC, inihayag ng mambabatas mula sa Davao na ang bagong Committee Report na ipinasa ng mayorya sa Kamara ay mas maayos na bersiyon dahil tumutugon ito sa mga nakaltas na pondo mula sa SUCs, maging sa mga ahensiya gaya ng DepEd at DOH.
“Mas mabuti itong committee report na ginawa ng Committee of the Whole, kasi nakikita natin na mula sa mga reduction, napunta siya roon sa naging budget cut ng DepEd, sa schoolbuildings, sa DOH na Health Facilities Enhancement Program, at sa SUCs, state universities and colleges,” ayon kay Nograles.
“At least makikita mo na itong kukunin from here goes directly to these certain departments and items in the different departments.”
Ang tinutukoy ni Nograles ay ang mga halagang nakalaan ngayon sa pagpapatayo ng mga Tech-Voc Laboratory sa ilalim ng DepED (P3 bilyon); farm to market roads ng Department of Agriculture (P3-B); SUC capital outlays (P1.2-B); health deployment (P3-B) at health facilities (P3-B) na nakalaan sa DOH; mga kalsada patungo sa mga panturistang pasilidad (P10.8-B); mga lansangan para sa komersiyo at patungo sa mga economic zone (P10.79-B) at mga kalsada at tulay para sa pagpapaluwag ng trapiko (P10-B) para sa DPWH; at ang National Disaster Risk Reduction Management Fund na may alokasyong P5 bilyon.
PORK-FREE BUDGET
Pinasinungalingan naman ni Nograles ang mga akusasyon na ang National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng Sangay Ehekutibo, at ang budget na tinatalakay ngayon sa plenaryo, ay may mga isiningit na paglalaan o ‘pork’.
“Unang-una, naninindigan tayo na imposibleng magkaroon ng mga insertion sa NEP dahil ang kabuuan nito ay nanggaling sa Executive Department. Kung tatanungin ang DBM, pati na ang ating mga economic manager, kung Malacañang ang tatanungin, nananatili sila sa paninindigan na ito ay ang budget ng Sangay Ehekutibo. Lahat ng isinumite sa aming nasa NEP, ‘yan ang isinumite ng executive,” giit ng mambabatas mula Mindanao.
Binigyang-diin din ni Nograles na hindi niya alam kung bakit may patutsada ang ilang mga sektor na nagsasabing ang budget na isinumite ng Sangay Ehekutibo ay may ‘pork’, dahil ang mga line item sa NEP ay resulta ng konsultasyon na kinapalooban ng mga suhestiyon mula sa regional development councils (RDCs) at mga lokal na opisyal at mambabatas na kabilang sa RDCs.
“Every region mayroong regional development council. At sa regional development council, nandoon ang iba’t ibang regional directors na nakikipagpulong sa mga gobernador, mga mayor at mga kongresista upang magbigay ng mga panukalang proyekto para sa kanilang mga distrito––at tumutukoy kung aling proyekto ang dapat na isagawa sa kanilang mga distrito,” paliwanag ni Nograles.
“Pagkatapos noon, isinusumite ng RDCs, o regional development councils ang lahat ng ito sa DBM. Tapos, bawat kagawaran at ahensiya ay hinihingan ng DBM ng mga proyekto nila para sa Tier 1 at Tier 2. Ang lahat ng iyan ay tinitimbang at pinagpapasiyahan sa pagbabalangkas ng budget,” dagdag pa nito.
Ang mga proyekto para sa Tier 1 ay ang mga proyekto ng gobyerno na kasalukuyang isinasagawa na, samantalang ang mga proyekto para sa Tier 2 naman ay ang mga bagong proyekto.
Comments are closed.