HINIKAYAT ni Bagong Henerasyon party-list Rep. Bernadette Herrera ang Malakanyang na isama sa 2021 national budget ang pondo para sa laptop ng public school teachers.
Ayon kay Herrera, bukod sa malaking tulong ay napakahalaga ng laptop sa pagtuturo ng mga guro ngayong lilipat na sa distance at blended learning program ang Department of Education (DepEd) bilang tugon sa COVID-19 pandemic.
Kailangan aniyang matiyak ng pamahalaan na may magagamit ang mga guro na basic technology tool sa online teaching tulad ng laptop na makatutulong din sa pagpapalakas ng curriculum, extensive research opportunities, access sa up-to-date na mga impormasyon at iba pang learning benefits.
Nauna nang inihayag ng DepEd na mangangailangan ng P27 billion na pondo para maibigay sa mga public school teacher ang kinakailangang laptop sa pagtuturo.
Sa 880,000 teaching personnel sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa, 190,574 dito o 22% ng mga guro ang mabibigyan ng laptop hanggang sa katapusan ng taon.
Hiniling ni Herrera na ang natitirang 680,000 guro ang siyang isama para sa pondo sa laptop sa 2021 national budget. CONDE BATAC
Comments are closed.