LUSOT na sa House Committee on Appropriations ang pagpopondo sa rice subsidy sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Sa ilalim ng panukala, sa halip na P600 cash ang ipamamahagi sa mga benepisyaryo ng 4Ps, bibigyan ang mga ito ng 20 kilong bigas.
Sa datos ng Deparment of Social Welfare and Development (DSWD), mayroon pang P2.27 billion na pondo mula sa 2019 budget ang maaari nilang gamitin para sa pagpapatupad nito.
Bukod pa ito sa pondo na naka-appropriate sa 2020 General Appropriations Act.
Nilinaw ng DSWD na hindi nationwide ang pagpapatupad ng naturang programa kundi tutukoy lamang sila ng 40 probinsya na magiging pilot project.
Ang mga probinsyang ito ang may pinakamahihirap na 4Ps beneficiaries na tinatayang aabot sa 3.9 million.
Pinatitiyak naman ni Committee on Appropriations Chairman Isidro Ungab sa ahensiya ang agad na pagpapatupad sa programa at maging maayos ang distribusyon ng rice subsidy. CONDE BATAC