POOK DASALAN BINULABOG NG LASENGGO

arestado

VALENZUELA CITY – ARESTADO ang isang lasing na lalaki matapos bugbugin ang kanyang ka-live-in sa loob mismo ng isang simbahan makaraang palabasin ang mga deboto kamakalawa ng gabi sa lungsod na ito.

Sa ulat, dakong alas-8 ng gabi nang biglang pumasok sa loob ng isang chapel sa  Brgy. Bignay si Rolando Malingi, 43,  residente rin sa naturang lugar at pinalabas ang mga nagdarasal maliban sa kanyang karelasyon na si alyas Nadine, 40 na nagsimba, kasama ang tatlong anak at kaibigan.

Bigla na lamang pinagsasapak ni Malingi ang kalive-in sa harap ng tatlong anak at binantaan pang papatayin kaya’t umawat na ang kanyang kaibigang babae, subalit maging siya ay tinangkang saktan ng suspek.

Dahil dito, nagtatakbong palabas ang kaibigan saka humingi ng tulong sa mga tauhan ng Bignay Police Assistance Center na nagresulta sa pagkakada­kip sa suspek.

Napag-alaman na bago nangyari ang insidente, humingi ng tulong sa barangay ang biktima bunga ng umano’y pananakit sa kanya ng kinakasama.

Dahil dito, naglabas ng Barangay Protection Order (BPO) si Brgy. Captain Graciano Victoriano na nag-aatas kay Malingi na dumistansiya sa kinakasama na ikinagalit ng suspek kaya’t sinugod ang ka-live-in sa loob ng simbahan.

Ayon kay Valenzuela police chief P/Col. Carlito Gaces, kasong paglabag sa R.A. 9262 o Violence Against Women and their Children Act at paglabag sa BPO ang isasampa ng pulisya laban kay Malingi sa piskalya ng Valenzuela. EVELYN GARCIA

Comments are closed.