POPE FRANCIS INIMBITA SA 500 ANNIV NG CHRISTIANISM

POPE FRANCIS-2

UMAASA  ang isang arsobispo na bibisita ulit sa bansa si Pope Francis sa taong 2021 upang makiisa sa nalalapit na pagdiriwang ng ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo.

Ayon kay Cebu Archbishop Jose Palma, pinadalhan na nila ng imbitasyon si Pope Francis upang bumisita sa bansa, partikular na sa Cebu, para saksihan ang naturang okasyon.

Umaasa naman si Palma na pagbibigyan ng Santo Papa ang naturang imbitasyon.

Taong 2013 pa nang simulan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang paghahanda para sa naturang okasyon kaya’t inaasahang isang napakalaki itong pagdiriwang sa kasaysayan ng Katolisismo sa bansa.

“Let us pray that the pope will come here,” ani Palma, na naging dating pangulo rin ng CBCP.

Si Palma ang nanguna kahapon sa isang banal na misa para sa kapistahan ng Sto. Niño sa Cebu, na ginanap dakong 6:00 ng umaga, katuwang sina Palo Archbishop John Du, retired Bishop Antonio Rañola, at 40 pang paring Katoliko.

Sa kanyang homiliya, pinaalalahanan ni Palma ang mga Katoliko na hindi dapat na mawalan ng pag-asa sa kabila ng mga problemang kinakaharap dahil hindi sila nag-iisa.

Ayon kay Palma, dapat ding magtiwala at patuloy na manampalataya ang mga tao sa Panginoon dahil kailanman ay hindi Niya tayo binigo at pinabayaan.

Noong unang panahon ay mga pagano ang mga Pinoy hanggang sa dumating ang Sto. Niño sa bansa noong 1521.

“It is the Sto. Niño who found us and showed us His love,” aniya pa.

Aniya, kahit hindi karapat-dapat ang tao ay ginawa tayong mga anak ng Diyos at miyembro ng kanyang pamilya.

Dahil dito, marapat lamang aniya na pasalamatan natin ang Panginoon dahil sa walang maliw niyang pag-ibig sa atin.

Nabatid na ang pagdiriwang ng pista ngayong taon ay may temang “Sto. Niño:  Guide of God’s Children to Service and Humility.”  ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.