BINAWI na ni Bacolod City Mayor Alfredo Abelardo Benitez ang ban sa pagpasok ng live pigs, pork at pork products mula sa ibang bahagi ng bansa upang matugunan ang tumataas na demand at buhayin ang local hog industry.
Nilagdaan ni Benitez ang Executive Order (EO) 09-2024, na may petsang Feb. 23, na nag-aatas sa City Veterinary Office (CVO) “na payagan ang paggalaw ng baboy at iba pang swine products sa lungsod alinsunod sa mga probisyon ng Department of Agriculture (DA) Administrative Circular No. 22, series of 2022.”
Ang tinutukoy ng alkalde ay ang direktiba ng DA na nagkakaloob ng national zoning at movement plan para sa pagsugpo at kontrol ng African swine fever (ASF) at i-redefine ang zone classification.
“With the increasing demand for pork products, there is a need to issue additional directive to avert any threat of shortage of basic food necessities, and at the same time, prevent the spread of ASF and help revive our local hog industry and its allied industries,” ayon sa alkalde.
Aniya, ang direktiba ay alinsunod sa updated DA Administrative Circular No. 22 at nakahanay sa local issuances at national policies and directives.
Bagama’t inalis na ang ban, sinabi ni Benitez ang shipments ng live pigs, pork, pork products at iba pang mga kaugnay na produkto ay mangangailangan pa rin ng permits at mga kaukulang dokumento sa pagpasok sa Bacolod.
“To ensure compliance to the DA administrative circular, the CVO shall strictly monitor and screen compliance, particularly on the documentary requirements,” dagdag pa niya. (PNA)