PORK MEAT PRODUCTS I-RECALL

PORK MEAT

INATASAN ng Food and Drug Administration (FDA) ang mga importer, dealer at distributor na agad na i-recall ang processed pork products mula sa mga bansang pinaghihinalaang tinamaan ng African Swine Fever

Sa abiso ng FDA, ang mga opisyal ng Food and Drug Regulation, gayundin ang Regulatory Enforcement Units, ay inatasang kumpiskahin ang lahat ng imported pork products mula sa mga bansang may kaso ng swine fever.

“All importers are ordered to immediately recall all pork meat products imported from countries suspected to be affected by the African Swine Fever virus,” sabi ng FDA.

Sa isa pang abiso sa publiko, sinabi ng FDA na kasama na ang Vietnam, Zambia, South Africa, Czech Republic, Bulga­ria, Cambodia, Mongolia, Moldova at Belgium sa listahan ng mga bansa na bawal na munang pag-­angkatan ng mga processed pork product.

Kabilang sa mga bansang naunang pinatawan ng ‘temporary ban’ ang China, Hungary, Latvia, Poland, Romania, Russia at Ukraine.

Samantala, sinabi ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na hihi­lingin niya sa mga negosyante na boluntaryong tumigil sa pag-aangkat ng baboy at processed pork products mula sa mga bansang tinamaan ng ASF.

Ang virus, na nakamamatay sa mga baboy at baboy-ramo, ay kumalat na sa kalahati ng mga lalawigan sa China noong nakaraang taon at natukoy nitong linggo sa isang katayan sa  border nito sa Hong Kong.

“Since 5 months ‘yong ating surplus ng karne sa ating mga warehouse… we could actually enforce or impose, observe a self-enforced moratorium sa pag-angkat ng karne,” sabi pa ng kalihim.